Martes, Oktubre 17, 2023

Pag sabay daw umaaraw at umuulan

PAG SABAY DAW UMAARAW AT UMUULAN

pag sabay daw umaaraw at umuulan
sabi nila'y may kinakasal na tikbalang
marahil ay ibang paniniwala iyan
ang totoo, climate change na'y nararanasan

halina't dinggin ang awit ng Rivermaya
"Umaaraw, Umuulan" ang kinakanta
"Ang buhay ay sadyang ganyan," sabi pa nila
datapwat di sadyang ganyan, may climate change na

patuloy na ang pagbabago ng panahon
nang magsunog na ng fossil fuel at karbon
paggamit nito'y dapat nang wakasan ngayon
na ating panawagan sa maraming nasyon

sabihin mang may tikbalang na kinakasal
aaraw, biglang uulan, di na natural
gawa ng tao ang climate change na umiral
na dapat lutasing isyung internasyunal

- gregoriovbituinjr.
10.17.2023

* Climate Justice Walk 2023
* sinulat ng madaling araw sa Gumaca, Quezon, 
* litratong kuha ng makatang gala bago magsimula ang lakad

Lunes, Oktubre 16, 2023

Ang adhika ng Climate Walk

ANG ADHIKA NG CLIMATE WALK

bakit ba namin ginagawa ang Climate Walk
bakit ba raw di na lang idaan sa TikTok
aming aspirasyon ay di agad maarok
mula Maynila hanggang Tacloban ang rurok
sa isang dekada ng mga nangalugmok
sa bagyong Yolanda, kaya nagka-Climate Walk

nais naming makibahagi sa paglutas
ng krisis sa klima kaya ito'y nilandas
na kung sa ngayon, ang umaga'y nagniningas
saka biglang ambon, uulan ng malakas
ang timpla ng daigdig ay di na parehas
ang climate emergency na'y dapat malutas

dinadaanan nami'y mga bayan-bayan
at sa mga tao'y nakipagtalakayan
nang climate emergency ay mapag-usapan
mga dahilan ng krisis ay mapigilan
pagsunog ng fossil fuel at coal, wakasan
Climate Walk, aming misyon at paninindigan

- gregoriovbituinjr. 
10.16.2023

* Climate Justice Walk 2023
* sinulat ng madaling araw sa tinulugang kumbento ng mga pari sa Lopez, Quezon

Linggo, Oktubre 15, 2023

Jollibee Lopez

JOLLIBEE LOPEZ

nadaanan lang ang patalastas na iyon
na kaagad naman naming ikinatuwa
habang kami'y naglalakad buong maghapon
ay napatigil doong tila natulala

may makakasalubong ba kaming artista?
kamag-anak marahil ni Jennifer Lopez
na sikat sa pag-awit at sa pelikula
sapagkat ang nakasulat: Jollibee Lopez

sa Lopez, Quezon ay dumaraan na kami
na naglalakad sa misyong Climate Justice Walk
ngalan ng baya'y apelyido ni Jollibee
bubungad sa bayan kung saan ka papasok

may Jollibee Sariaya, Jollibee Lucban,
Jollibee Gumaca, ngayon, Jollibee Lopez
salamat sa kanya, pagod nami'y naibsan
sa kilo-kilometrong lakad na mabilis

- gregoriovbituinjr.
10.15.2023

* Climate Justice Walk from Manila to Tacloban

Sabado, Oktubre 14, 2023

Tuloy ang laban! Tuloy ang lakad!

TULOY ANG LABAN! TULOY ANG LAKAD!

"Tuloy ang laban! Tuloy ang lakad!"
ito sa kanila'y aking bungad
nang climate emergency'y ilahad
saanmang lugar tayo mapadpad

wala sa layo ng lalakarin
kahit kilo-kilometro man din
sa bawat araw ang lalandasin
mahalaga, tayo'y makarating

tagaktak man ang pawis sa noo
magkalintog man o magkakalyo
dama mang kumakalas ang buto
may pahinga naman sa totoo

ngunit lakad ay nagpapatuloy
dahon kaming di basta maluoy
sanga ring di kukuya-kuyakoy
kami'y sintatag ng punongkahoy

- gregoriovbituinjr.
10.14.2023

* kuha sa Lucena City ni A. Lozada

Pahinga muna

PAHINGA MUNA

ah, kailangan ding magpahinga
matapos ang mahabang lakaran
upang katawa'y makabawi pa
lalo na yaring puso't isipan

nagpapahinga ang pusa't tao
o sinupamang bihis at hubad
matulog at magpalakas tayo
upang muli'y handa sa paglakad

habang may diwatang dumadalaw
sa guwang ng ating panaginip
animo kandila'y sumasayaw
habang may pag-asang nasisilip

kilo-kilometro man ang layo
ay aabutin ang adhikain
kaharapin ma'y dusa't siphayo
asam na tagumpay ay kakamtin

mahalaga tayo'y nalulugod
sa ating layon at ginagawa
aba'y di laging sugod ng sugod
kalusuga'y alagaang sadya

- gregoriovbituinjr.
10.14.2023

* Climate Justice Walk 2023
* kuha sa Atimonan, Quezon

Huwebes, Oktubre 12, 2023

Sa tulay ng Patay na Tubig

SA TULAY NG PATAY NA TUBIG

sandali kaming nagpahinga
sa Tulay ng Patay na Tubig
ano kayang kwento ng sapa
o ilog ba'y kaibig-ibig

bakit Patay na Tubig iyon
at anong natatagong lihim
naroong magdadapithapon
maya'y kakagat na ang dilim

ah, kwento'y sasaliksikin ko
bakit ba patay na ang ilog
nang lihim nito'y maikwento
bago pa araw ay lumubog

palagay ko'y matatagalan
ang balak kong pananaliksik
ngayo'y walang mapagtanungan
ngunit hahanapin ang salik

- gregoriovbituinjr.
10.12.2023

* Climate Justice Walk 2023
* habang dumadaan sa San Pablo City sa Laguna patungong Pagbilao, Quezon
* Pasasalamat sa litratong ito na kuha ni Albert Lozada, na kasama rin sa Climate Justice Walk 2023

Miyerkules, Oktubre 11, 2023

Pagninilay sa Climate Walk 2023

PAGNINILAY SA CLIMATE WALK

O, kaylamig ng amihan sa kinaroroonan
habang nagninilay dito't nagpapahinga naman
tila ba kami'y kawan ng ibon sa himpapawid
na mga bundok at karagatan ang tinatawid

magkakasama sa dakilang misyon na Climate Walk
na climate emergency ang isa sa aming tutok
na climate justice sa bayan ay itinataguyod
mapagod man, naglalakad kami ng buong lugod

pagsama sa Climate Walk ay malaking karangalan
kaunti man ang lumahok sa mahabang lakaran
mahalaga'y maipahayag ang aming layunin
na climate emergency ay harapin na't lutasin

ipabatid ano ang adaptation, mitigation
ano ang climate fund, bakit may climate reparation
paano maghanda ang mga bansang bulnerable
Climate Justice Walk, ang pangalan pa lang ay mensahe

- gregoriovbituinjr.
10.11.2023

* kinatha sa UP Los BaƱos
* Climate Walk 2023

Linggo, Oktubre 8, 2023

My passion

MY PASSION

walking the talk is my passion
being healthy is my reason
climate justice is a mission
for the future of this nation

- gregoriovbituinjr.
10.08.2023

* picture with my wife at the Bonifacio Shrine near Manila City Hall before joining the Manila to Tacloban Climate Justice Walk 2023

Sabado, Oktubre 7, 2023

Pahinga muna ako ng isang buwan

PAHINGA MUNA AKO NG ISANG BUWAN

magpapahinga muna ako ng isang buwan
kaya mawawala ako ng panahong iyan
pagkat tutungo sa malalayong lalawigan
nang nagbabagong klima'y dalumating mataman

palalakasin ang iwing katawang pisikal
pagpapahingahin ang kaisipan o mental
pangangalagaan ang loob o emosyonal
ang isang buwan ay sandali lang, di matagal

nais ko munang magnilay, buong puso't diwa
nangamatay sa unos sa puso'y masariwa
sa malayong pook ay magtirik ng kandila
maraming salamat po sa inyong pang-unawa

maglalakad-lakad pa rin habang nagninilay
at sasamahan ang mga kapwa manlalakbay
nagbabagong klima man ay nagbabagang tunay
ay babalik na panibagong lakas ang taglay

- gregoriovbituinjr.
10.07.2023

Apo ni Leonidas

APO NI LEONIDAS

dugong Spartan, isang aktibista
apo ni Leonidas ng Sparta
at tagapagtanggol ng aping masa

lingkod ng manggagawa't maralita 
tinig ng inaapi't mga dukha
di palulupig sa mga kuhila

tangan ang prinsipyo ng proletaryo
inoorganisa'y uring obrero
pangarap ay lipunang makatao

sa mapagsamantala'y di pagapi
pati na sa tuso't mapagkunwari
at lalabanan ang mapang-aglahi

nakikibaka pa rin hanggang ngayon
laging mahalaga'y kamtin ang layon
nabubuhay upang tupdin ang misyon

- gregoriovbituinjr.
10.07.2023

* litrato mula sa google

Die

DIE

sa Word Connect app, kayraming sadya
ng mga salitang nasagupa
mula sa binigay na salita
ano pang mabubuong kataga

tulad ng DINED, nabuo ko ang DIE
at DIED, sa PRIDE nama'y may RIDE at DIE
sa salitang IDLE, may LIE at DIE
tatatlong letra sa pagkamatay

ito kaya'y isang pahiwatig?
upang mag-ingat, huwag palupig
nais kong isipi't isatinig
na di namamatay ang pag-ibig

umabot sanang pitumpu't pito
o kaya'y edad na otso-otso
kung di man abutin ng sangsiglo
ay may tulang abot pitong libo

- gregoriovbituinjr.
10.07.2023

Biyernes, Oktubre 6, 2023

Nang mangatok ang mga pusa

NANG MANGATOK ANG MGA PUSA

nagkumpulan na naman ang mga alaga
kinatok ako't gutom na raw silang sadya
kaya binigyan ko ng tirang pritong isda
mabusog sila'y talagang ikatutuwa

- gregoriovbituinjr.
10.06.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/nvhwzljIyj/

Kaylamlam ng umaga

KAYLAMLAN NG UMAGA

mainit ang araw ngunit malamlam ang umaga
totoo ngang dinaranas ang nagbabagong klima
ngayon ay mainit, biglang uulan, malamig na
maya-maya, bagyo'y bigla na lang mananalasa

bakit ba ganito ang dinaranas ng daigdig
paghaginit ng hangin, kaylayo pa'y maririnig
kanina'y maalinsangan, ngayo'y nangangaligkig
sa nagbabagong klima'y paano tayo titindig?

isang dekadang nakalipas, Yolanda'y naganap
nangyaring Ondoy at Yolanda'y wala sa hinagap
ngunit ngayon, climate emergency na'y nalalasap
mga bulnerableng bansa'y talagang maghihirap

anong dapat naging gawin sa climate emergency?
sa nagbabagong klima'y di tayo makakakubli
mga Annex I countries ba ang tanging masisisi?
o paglutas dito, ang mga bansa'y makumbinsi

- gregoriovbituinjr.
10.06.2023

Huwebes, Oktubre 5, 2023

Paalala sa palikuran

PAALALA SA PALIKURAN

sa palikuran, may paalala
itapon ng tama ang basura
tissue, wipes, napkin, tira't iba pa
di sa kasilyas, nang di magbara

payak na paalala sa tao
huwag magtapon sa inidoro
ng basura o kung anu-ano
dahil pag nagbara, ay, perwisyo!

may tamang basurahan, may waste bin
bakit ba di iyon ang gamitin
tinatamad ka? gawa'y wastuhin
kalinisan ay pakaisipin

tapon dito o doon, burara
tila walang isip sa ginawa
kalinisa'y winalang-bahala
dapat gawaing ito'y itama

- gregoriovbituinjr.
10.05.2023

* kuha ng makatang gala sa Environmental Science Institute (ESI), Miriam College, QC

Miyerkules, Oktubre 4, 2023

Musikainom

MUSIKAINOM

animo'y dalawang salitang pinagsama
pinagdugtong na MUSIKA't INOM, tara na!
subalit pakatitigan mo't tatlo pala
MUSIKAKAIN, at INOM, kayganda, di ba?

anong galing, pinagsamang salita'y tatlo
gig bilang suporta sa mga musikero
ngunit noong isang taon pa pala ito
ngayon lang nakita, di ako nakadalo

nais ko sanang dumalo roon, makinig
sa KusineRock, makiki-jamming din sa gig
tatagay ng isang beer habang nakikinig
at namumulutan ng isaw, mani't sisig

isang sining ang musika, tugtog at awit
tulad ng makatang katha'y tanaga't dalit
suporta sa musika'y pagmamalasakit
lalo sa musikero, di man natin dikit

mabuhay ang mga musikero ng bayan!
awit n'yo'y tumatagos sa puso't isipan
pagtugtog ng gitara'y sadyang aming ramdam
muli, pagpupugay, ituloy ang awitan!

- gregoriovbituinjr.
10.04.2023

Lunes, Oktubre 2, 2023

Lumiham at bumago ng buhay

LUMIHAM AT BUMAGO NG BUHAY

minsan, kailangan mong magsulat ng liham
at may mapagsabihan ka ng inaasam
baka iyon ang kailangan nang maparam
ang iyong mga sulirani't agam-agam

isulat mo ang iyong mga saloobin
o kung mayroong mabigat na suliranin
bawat problema'y may kalutasan, isipin
mo ito, at sa wastong tao'y talakayin

kahit nga sa pahayagan, may kolumnista
na nagbibigay ng payo sa may problema
o sa anumang institusyon, lumiham ka
malay mo, may nagbasa, isa man, pag-asa

simulan mo sa unang hakbang ang pangarap
sa kapwa'y tumulong nang walang pagpapanggap
baka may buhay kang mabago sa paglingap
at pagliham upang makaraos sa hirap

papel at plumang tangan mo'y iyong isulong
baka sa liham mo, kapwa mo'y makabangon
o sa kinasadlakang putik makaahon
liham mo, munti man, ay malaki nang tulong

- gregoriovbituinjr.
10.02.2023

I was born a Red October

I WAS BORN A RED OCTOBER

I was born on the second of October
like Mahatma Gandhi, actor Benjie Paras
classmate Angelo Arvisu, singer Sting
chess grandmaster Jonathan Spillman

a Libra who fight for social change
a writer who write in progressive page
a proletarian poet in politics engage
that in exploitative system feel rage
an activist who read Marx, the sage

I was born a Red October
I was born when French painter, chess
player and writer Marcel Duchamp died
I was born when protesting students
were killed by government forces in what
was known as the Tlatelolco massacre
I was born to continue their struggle
and the struggle of the working class

that's why I am an Spartan activist
that's why I am an environmental advocate
that's why I am a human rights defender
that's why I am a proletarian writer and poet
that's why I am and will always be
a Red October

- gregoriovbituinjr.
10.02.2023

Linggo, Oktubre 1, 2023

Pana, panagip, panaginip

PANA, PANAGIP, PANAGINIP

napanaginipan kong ako'y pinapana
ngunit anong panagip ko nang di tumama
sa katawan ang dusa't hirap ng timawa
nang di danasing muli ang lumbay at luha

tila gising na gising habang nagaganap
ang frat war na di maawat, walang paglingap
sa bawat isa, idudulot lang ay hirap
sa kaloobang katwiran ay di matanggap

bakit ba ganyang samahan ay itinayo?
upang depensa mo sa bully, gago't uto?
kung mapatay mo pa'y titira ka sa hoyo
pamilya'y kawawa't dinulot mo'y siphayo

anong panagip ko sa pana't pananakit?
sa panaginip sana'y magising na ulit
ang pagpapakatao'y di dapat mawaglit
at huwag hayaang laya'y maipagkait

- gregoriovbituinjr.
10.01.2023

hoyo - salitang pabalbal sa kulungan

Antok pa

ANTOK PA

antok pa rin si alaga
baka nagmumuni-muni
ubos na kaya ang daga
para bang di mapakali

gising, aba'y tanghali na
baka may dagang mahuli
o nais lang magpahinga
dahil sa pagod kagabi

- gregoriovbituinjr.
10.01.2023

Luha ng pusa

LUHA NG PUSA bakit kaya may luha ang aming si alaga sadyang nakagigitla lumuluha ang pusa marahil napaaway dignidad ay naluray nang magapi n...