Apo ni Leonidas
When a comrade asked, "Leonidas, are you here to take such a hazardous risk with so few men against so many?" Leonidas replied: "If you men think that I rely on numbers, then all Greece is not sufficient, for it is but a small fraction of their numbers; but if on men's valor, then this number will do."
Biyernes, Marso 13, 2026
Huwebes, Marso 12, 2026
Mga buwayang walang buntot
MGA BUWAYANG WALANG BUNTOT
mapanlinlang at mapag-imbot
iyang mga trapong kurakot
sila'y buwayang walang buntot
na sa masa'y hirap ang dulot
panagutin ang mga buktot
sa sistema nilang baluktot
panagutin lahat ng sangkot
sa ginawang pangungurakot
- gregoriovbituinjr.
03.12.2026
* litrato mula sa google
Silent - Listen; Silence - License
SILENT - LISTEN; SILENCE - LICENSE
pag nirambol ang titik ng isang salitâ
ay may mabubuo kang iba pang katagâ
ang SILENT ay LISTEN, makinig nang tahimik
at ang napakinggan ay maisasatitik
ang SILENCE ay LICENSE, tahimik magmaneho
may lisensya, pag nahuli'y maaayos mo
tingni ang salitang pag nirambol, THREE is THERE
if you WON, you OWN it NOW, pati ERA, ARE, EAR
paano mo ma-COMPILE ang mga POLEMIC
paano i-DRAW ang WARD na talagang siksik
paano mo i-SHOUT sa SOUTH, hindi THORN ang NORTH
dapat sa TOPS ng POTS, STOP ang POST sa SPOT
sabi ko nga, COULD CLOUD HATE the HEAT, isang tanong
ilang PIECES ang SPECIE, isa pang tanong
minsan nga'y nakakapagod din ang ganito
mabuti pa kayâ, maglaro na lang tayo
- gregoriovbituinjr.
03.12.2026
* mga litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon
Miyerkules, Marso 11, 2026
Awit sa sinta
AWIT SA SINTA
ang pagmamahal ko'y hanggang langit
ikaw lang ang pinakaiibig
alaala't larawan mo'y bitbit
sa aking pusò, diwà at bisig
- gregoriovbituinjr.
03.11.2026
(9th death monthsary ni misis)
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/FNaYFCCEhc/
May suloy na ang tanim kong sibuyas
MAY SULOY NA ANG TANIM KONG SIBUYAS
ginayat ko ang ilalim ng sibuyas
at inilagay sa ibabaw ng tubig
sa lagayan ng mineral water, baka
makapagpatubo ng sibuyas
ilang araw o isang linggo'y lumipas
nagkasuloy na ang tanim kong sibuyas
ay, kaysarap ulamin ng talbos nito
sabi nila, ito raw ay pampalakas
sana'y makapagpatubo ng marami
alagaan sa dilig itong itinanim
ang tagalungsod ay nagsasaka na rin
tiyagain ko lang at ito'y dadami
kailangan ngayon ay magtanim-tanim
upang di magutom at may aanihin
- gregoriovbituinjr.
03.11.2026
Pabalat ng aklat kong dinisenyo ni misis
PABALAT NG AKLAT KONG DINISENYO NI MISIS
kung ikumpara sa tatlo kong huling libreto
kayganda ng disenyo ni misis sa aklat ko
tingni ang pabalat ng pangkalikasang libro
sadyang kakaiba kumpara sa disenyo ko
sayang, walâ na siya, wala na yaring sinta
sana, iba kong libreto'y dinisenyo niya
pagkat talagang ubos nang ito'y ibinenta
sa mga makakalikasang grupo at masa
kayâ sa daigdigang araw ng kalikasan
sa Abril Bente Dos kada taon, Earth Day iyan
dapat muling ilimbag ang libro kong naturan
at bigyan ng kopya ang iba't ibang aklatan
nais kong ang kanyang disenyo'y maging imortal
at siya'y maalala sa panahong matagal
salamat sa kaygandang disenyo, aking mahal
pagka disenyo mong likhâ sa akin ay banal
- gregoriovbituinjr.
03.11.2026 (9th death monthsary ni misis)
Sa ika-9 na death monthsary ni misis
SA IKA-9 NA DEATH MONTHSARY NI MISIS
siyam na buwan na pala ang nakalipas
kaybilis ng panahon, pag-ibig kong wagas
para bang kailan lang, kausap lang kita
ngunit ngayon, ikaw na'y nasa alaala
dalawampu't walong doktor, nasa talaan
at silang sumuri sa iyong karamdaman
ngunit wala silang nagawâ, walâ, walâ!
hanggang kunin ka na sa amin ni Bathalà
nasa gunitâ ko lagi ang iyong ngiti
at inspirasyon kita sa bawat kong mithi
tulâ man o pagkathâ ng kwento't nobela
o kaya'y pagtipâ sa bagting ng gitara
O, aking diwatà, magkikita rin tayo
ilang taon pa, at ako na'y nasa dulo
ng tulay na tahak kong pagkahabà-habà
habang dala ko'y mga nagawâ kong akdâ
- gregoriovbituinjr.
03.11.2026
Martes, Marso 10, 2026
Payò sa panaginip
PAYÒ SA PANAGINIP
kagabi'y napanaginipan ka
payo'y gamitin ko ang gitara
aking mga tula'y gawin kong kanta
bakasakaling dito magkapera
batid mong walang salapi sa tulâ
kahit tambak-tambak ang aking kathâ
salamat sa payo, sintang diwatà
tumutulong kahit ikaw na'y walâ
salamat sa gitara mong binili
at sa akin, ito'y magkakasilbi
aawitin yaong tinig ng api
lalo't sa bayan alay na'y sarili
salamat, sinta ko, sa iyong payò
bagamat yaring puso'y nagdurugô
- gregoriovbituinjr.
03.10.2026
Awit sa tanaga baybayin
AWIT SA TANAGA BAYBAYIN
tanaga baybayin
aking aawitin
sariling sulatin
ng ninunô natin
tiyagain lamang
ang paggigitara
makakalikhâ rin
ng sariling kanta
- gregoriovbituinjr.
03.10.2026
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1D5ZMrpda5/
Ikasampu, ika-10
IKASAMPU, IKA-10
walang gitling ang ikasampu
iyan ang wasto pag nagdugtong
ang panlapi't salitang ugat
balarila'y alam mo dapat
may gitling na pag ika-10
iyan ang wastong pagdurugtong
ng panlapi at ng numero
balarila'y batid mo dapat
ikasampu ngayon ng Marso
ika-10 ngayon ng Marso
pansinin mo ang gamit nito
balarila'y tinurò ito
meron ka sanang natutunan
sa abang makatâ ng bayan
túrong ito'y pakatandaan
nang wasto'y gamitin ng tanan
- gregoriovbituinjr.
03.10.2026
*litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon
"Happy Women's Day", ani tennis star Alex Eala
"HAPPY WOMEN'S DAY", ANI TENNIS STAR ALEX EALA
talagang kayhusay / ni Alex Eala
noong si Coco Gauff / ay tinalo niya
mapagpakumbaba / ang ating atleta
nang magtalumpati'y / binati ang ina
at iba pang ina, / sa kababaihan
nag-Happy Women's Day, / sadyang kainaman
inspirasyon siya / ngayon nitong bayan
nang dahil sa mga / napagtagumpayan
kaya taas-noo / akong nagpupugay
kay Alex Eala, / inspirasyong tunay
bagong sports hero / ang atletang Pinay
mabuhay ka, Alex! / mabuhay! mabuhay!
ksysarap marahil / maglaro ng tennis
sa palo ng bola'y / di dapat magmintis
dapat araw-araw / talagang magpraktis
raketa't pagpalo'y / gamaying mabilis
- gregoriovbituinjr.
03.10.2026
* litrato mulâ sa ABS-CBN News sa fb
Kaharapin ma'y kahirapan
KAHARAPIN MA'Y KAHIRAPAN
tibak akong naninindigan
para sa pag-unlad ng bayan
ngunit di para sa iilan
kundi para sa panlahatan
kaytagal kong pinagnilayan
ang prinsipyo't pasya kong iyan
sama-samang kilos ng tanan
sama-sama ang taumbayan
wakasan na nating tuluyan
ang kabulukan ng lipunan
iyan ang prinsipyo kong tangan
kaharapin ma'y kahirapan
dapat ay walang naiiwan
may panlipunang katarungan
ginagalang ang karapatan
itayo'y patas na lipunan
wakasan na ang kurakutan
pati dinastiya't gahaman
paunlarin natin ang bayan
panlahat, di para sa ilan
- gregoriovbituinjr.
03.10.2026
Lunes, Marso 9, 2026
11 titik na sagot sa krosword
11 TITIK NA SAGOT SA KROSWORD
nakatutuwâ minsan ang palaisipan
pag mga salita'y nagsanga-sangandaan
Pahalang: KAHALAGAHAN, KASALUKUYAN
Pababa: KALIGAYAHAN, KATAGALUGAN
ang krosword ay di lamang pampalipas-oras
kundi isipan natin ay pinatatalas
kumbaga ito'y ehersisyong pampalakas
ng utak, kung sa pagkain ay panghimagas
bagamat "ka" ang unang pantig ng salitâ
at "an" naman ang sa dulong salitâ, tugmâ
wastong panlaping gamit sa mga katagâ
karaniwan sa ating katutubong wika
sumasagot ng krosword sa araw at gabi
ang makatang sa sambayanan nagsisilbi
- gregoriovbituinjr.
03.09.2026
* krosword mulâ sa pahayagang Abante Tonite, 01.06.2026, p7
Bunga, bungi, bungô
BUNGA, BUNGI, BUNGÔ
iba't ibang patinig
sa dulo ng salitâ
palaisipang ibig
kong masagutang sadyâ
ano kayâ ang sagot?
BUNGA, BUNGI, o BUNGÔ?
ano ang bungang dulot?
nabungi o nagdugô?
krosword pag sinagutan
ay dapat mong alamin
ang Pababa't Pahalang
nang tamang sagot kamtin
ganyan lang, katoto ko
at masasagutan mo
- gregoriovbituinjr.
03.09.2026
Balakin ng makatang taring
BALAKIN NG MAKATANG TARING
isang nobela ng pag-ibig
at araw-araw na pagtulâ
mga adhikang nakasandig
sa kalooban, puso't diwà
napakapayak na pangarap
na ninanais kong maabot
kahit gaano pa kahirap
danasin ma'y kayraming gusot
kwento ng masa'y susulatin
hanggang maging nobela ito
tulâ sa dukha'y kakathain
na araw-gabi'y gawain ko
patuloy akong magpapawis
kaharapin ma'y kahirapan
sa kabilâ ng dusa't amis
ito'y mapagtatagumpayan
- gregoriovbituinjr.
03.09.2026
* mga litrato mula sa larong Word Connect sa selpon
Linggo, Marso 8, 2026
Sa pagitan ng mga ilaw
SA PAGITAN NG MGA ILAW
sa pagitan ng mga ilaw
narito'y tibak ng lansangan
na nadarama'y pamamanglaw
nasa diwa'y "bakit ba ganyan?"
patuloy ang pangungurakot
ng trapong ibinoto ninyo!
patuloy ang sistemang buktot
kailan pa ang pagbabago?
ngunit tuloy ang pangangarap
ng isang sistemang parehas
na walang trapong mapagpanggap
itatayo'y lipunang patas
kayâ tara, mga kasama
patuloy na mag-organisa
- gregoriovbituinjr.
03.08.2026 (International Women's Day)
* selfie pataas sa UP Film Center, 03.06.2026
Pag nanalo pa iyang bastos sa halalan
PAG NANALO PA IYANG BASTOS SA HALALAN
pag nanalo pa iyang bastos sa halalan
ay baka bulag na ang kanyang mamamayan
hinayaang bastusin ang kababaihan
ayuda'y pikitmatang tatanggapin na lang
mabuti na lang, Anne Curtis, palaban ka rin
pagkat di mo hahayaang kayo'y bastusin
ng trapong sa babae'y kaybaba ng tingin
trapong asal-manyak kung ating iisipin
maraming salamat, Anne, at nanindigan ka
laban sa mambabatas kuno, bastos pala
laban sa isang mapanirang kongresista
laban sa pulitikong dapat ibasura
larawan ng ating ina bawat babae
dapat respetuhin, mayaman man o pobre
ibagsak sa botohan ang trapong salbahe
trapong ilampaso anuman ang mangyari
- gregoriovbituinjr.
03.08.2026 (International Women's Day)
* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 03.08.2026
Sabado, Marso 7, 2026
Dalawang sine hinggil sa Philippine-American War
DALAWANG SINE HINGGIL SA PHILIPPINE-AMERICAN WAR
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
Kahapon, Marso 6, 2026, ay napanood ko ang dalawang dokumentaryo / pelikula hinggil sa Digmaang Pilipino-Amerikano, lalo na ang Bud Dajo massacre. Talagang inabangan ko ito. Ang dalawang ito'y ang Memoirs of a Forgotten War, at ang Cinemartyrs. Ang direktor ay si Sari Dalena. Nabanggit na ika-120 anibersaryo ng Bud Dajo massacre ng araw na iyon.
Mula sa isang presscon na pinamagatang "Defending the Defenders" na hinggil sa karapatang pantao, ay agad kong hinabol ang nasabing historical dokyu. Alas-kwatro ang simulâ kayâ alas-tres pa lang ay umalis na ako sa 1-4pm na presscon. Marahil, naisip ng ilang kasama, bakit kaya ako nagmamadaling umalis? Tantiya ko kasi, kahit malapit lang, ay baka maleyt ako dahil sa trapik.
Dumating ako sa Cine Adarna ng ika-4:10 ng hapon. Naabutan ko pa ang pamagat na War. Di na ako dyuminggel at naghanap na ng mauupuan sa madilim na sinehan. Nagsimula ang Memoirs of a Forgotten War sa pagtalakay ng isang banyagang ang tinig ay babae. Sinalaysay ang ilang pangyayaring naganap noong Philippine-American War sa Ilocos at sa Patikul.
Naging matingkad sa akin ang paglusob ng pulutong ng kababaihan sa mga sundalong Amerikano sa isang labanan. Patay silang lahat, pati ang lider nilang animo'y Kristo ang kaanyuan.
Libre o Free Admission ang Memoirs of a Forgotten War, na isang oras din, habang may bayad naman ang Cinemartyrs, na higit dalawang oras naman. P200 ang regular habang P150 ang senior / PWD / student. Naglabas ako ng P150 at ibinayad na sabi ko, hindi regular, kundi pultaym na aktibista. Itatanong daw muna, subalit pumayag na rin at binigyan ako ng tiket.
Bihira akong makapanood ng sine o dokumentaryo hinggil sa Philippine-American War, habang kayrami ng pelikula hinggil kina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, at iba pang nakibaka laban sa mananakop sa Luzon. Kaya ang panonood ng dalawang pelikulang ito ay di ko na pinakawalan.
6:30 pm, pinapasok na kami para sa Cinemartyrs. Tahimik akong umupo at nanood. Binuksan iyon sa eksena sa isang lugar marahil ay sa Intramuros na kapis pa ang mga bintana. Pinakita ang pagkuha sa isang eksenang pinalabas na sa Memoirs of a Forgotten War na una kong napanood ng hapong iyon. Si Angel Aquino na ang gumanap sa babaeng may hawak na sanggol habang sumugod muna ang maraming kababaihan sa pulutong ng mga sundalong Amerikano, pinagbabaril, hanggang sila'y nangaubos. Lumaban noon ang mga kababaihan para sa dignidad at kalayaan ng bayan laban sa mga mapaniil na mananakop. Napanood habang dalawang araw na lang ay Araw na ng mga Kababaihan.
Pinakita rin ang sitwasyong kausap ng direktor na babae ang tatlong tagasuri para sa NCCA grant. Dapat daw hindi Luzon-centric ang kanyang pelikula kundi pinapunta siya roon sa Mindanao. Kaya nagpasiya siyang pumunta, kasama ang kanyang pangkat, sa Mindanao, partikular sa Patikul, Sulu, kung saan naroon ang Bud Dajo, isang matarik na kabundukan.
Nakausap pa niya ang lider ng mga sundalo, na pinakiusapan niyang sumama na rin sa pelikula. Nakarating ang pangkat sa Bud Dajo at nakausap ang mga elder at residente roon. Sa isang eksena, sinabihan silang bawal daw mag-utos ang babae sa lalaki. Kaya ang ginawa ng direktor ay kinausap ang panganay na anak ng isang elder upang siyang mag-utos sa mga gaganap.
Ayon kay Direk, pag tinapik niya sa balikat ang lalaki, ibig sabihin, magpatuloy na sa pag-arte, o kaya'y tapos na, "cut".
Araw pala ng kasalan ng dalawang Tausug nang maganap ang paglusob at pambobomba ng mga Amerikano sa Bud Dajo. Marami ang namatay sa kanila. Subalit sa pagsasaliksik ko, walang binanggit ang mga reporter na Kano sa nasabing kasalan, at binabanggit lang ay maraming moro ang kanilang kalaban. Buti't ipinakita iyon sa nasabing pelikula, kung ano talaga ang naganap.
Matapos ang eksena, ang babaeng umaktong ikakasal sana ay tila nasapian, at marami ang tumulong sa kanya, pati mga elder. Tatlo pang lalaki ang gayon din ang dinanas, pati na si direk. Hanggang makabalik na ang babae sa kanyang sarili. Sabi niya, "hindi n'yo ba nakikita, nariyan sila."
Nagpapasalamat ang mga katutubomg Tausug dahil naranasan umano nila ang dinanas ng kanilang mga ninuno, bagamat sa pelikula lamang. Matapos ang palabas ay nagkaroon ng panayam sa mga nagsiganap, pati kay Direk. Pagpupugay sa lahat ng gumawa ng mga dokumentaryo at pelikulang iyon!
Pumasok ako ng 4pm, lumabas bandang alas-nuwebe pasado na. Higit limang oras man, nagutom man, subalit talagang sulit pagkat napanood ko ang dalawang makasaysayang palabas na ito. Sadya akong nappapasalamat at nagpupugay.
DALAWANG SINE HINGGIL SA FIL-AM WAR
dalawang makasaysayang sine
ang aking pinanood kagabi
sadyang yumanig sa aking diwà
ang anibersaryo ng gunitâ
nang nanood sa U.P. Film Center
patungkol sa Bud Dajo massacre
kasabay ng petsang Marso Anim
ang isang kabanatang malagim
sineng Memoirs of a Forgotten War
pati ang Cinemartyrs, nilahad
sa dalawang pelikulang iyon
gunita't historya ng kahapon
kayraming babae ang namatay
Katipunerang lumabang tunay
sa mga sumakop at sumiil
sa bayang nais nilang makitil
dalawang sineng sadyang kaiba
na Fil-Am War ang tinalakay na
pagpupugay sa kanilang lahat
sa sine't temang sadyang kaybigat
03.07.2026
Minsan nga'y may ganitong panahon
MINSAN NGA'Y MAY GANITONG PANAHON
minsan nga'y may ganitong panahon
pag walang trabahong salin, gutom
pag walang benta ng libro, gutom
sa diwa'y paano makaahon
natira sa tuyo'y di tinapon
tuyong biklad at sapsap inipon
minsan, bibili ng dahon-dahon
upang maiulam sa maghapon
bibilhin ay talbos ng sibuyas
kamatis, bawang, ulam na wagas
nasasadiwa'y payo ng pantas
habang asam ay lipunang patas
tinik, buntot at ulo ng sapsap
at tuyong biklad, ayos nang ganap
dadaan lang sa dila, kaysarap
at buhay na'y di aandap-andap
dapat mag-ipon ng pamasahe
lalo't dapat magtungo sa rali
o lakarin ang mahabang kalye
upang magkaroon pa ng silbi
- gregoriovbituinjr.
03.07.2026
Ang tatlo niyang punò
ANG TATLO NIYANG PUNÒ
natutunan niya noong siya'y bata pa
paanong pagtanim ng puno'y mahalaga
para sa kabuhayan ng kanyang pamilya
tulad ng alagang apitong, nara't mangga
iyon ang tatlo niyang punong pamana pa
ng di na niya naabutang lolo't lola
at inalagaan ng kanyang ama't ina
ang pangangalaga'y sa kanya naipasa
dahil sa sipag ng kanyang mga ninunò
mulâ binhi, tinanim, dinilig, lumagó
pamilya'y di nagutom, nanatiling buó
nakapag-aral sila't buhay ay nahangò
nabenta ang kahoy ng apitong at nara
punò ng mangga'y patuloy na namumunga
panibagong puno'y itinanim pa nila
para sa mga henerasyong susunod pa
- gregoriovbituinjr.
03.07.2026
* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon
Biyernes, Marso 6, 2026
Sa ika-10 Black Friday Protest ng 2026
SA 10TH BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026
patuloy ang panunuligsâ sa kurakot
di natin titigilan ang mga balakyot
kawatan sa pondo ng bayan silang buktot
lahat ng sangkot sa korapsyon ay managot!
panunuligsâ rin sa mga lumalabag
sa karapatan, at sa rali ay bumihag
ng dalawang walang pagkakasalang tibak
kundi tuligsain ang lipunang bulagsak
- gregoriovbituinjr.
03.06.2026
* kuha sa media conference hinggil sa paksang "Defending Defenders" sa Lungsod Quezon, 03.06.2026
Plakard na may baybayin - tanaga-baybayin
plakard itong ginawâ
sa pagkilos mamayâ
plakard na may baybayin
ay itaguyod natin
- gbj/03.06.2026
tanaga-baybayin
Pagpupugay sa Buwan ng Kababaihan!
PAGPUPUGAY SA BUWAN NG KABABAIHAN!
nagpupugay akong taas-noo
at narito ring taas-kamao
sa kababaihan nitong mundo
sa kanilang Buwan ngayong Marso
kayo'y pawang mga magigiting
lola, ina ng mga tsikiting
tita, ate, utol, dalaginding
babae, bayani kung ituring
kayo'y kalahati ng daigdig
ayaw paapi sa manlulupig
mga kurakot ay inuusig
sa hustisyang asam tumitindig
mabuhay kayong mga babae
katuwang naming mga lalaki
upang buhay sa mundo'y umigi
upang lipunan ay mapabuti
- gregoriovbituinjr.
03.06.2026
Huwebes, Marso 5, 2026
Walâ mang magbasa ng aking mga akdâ
WALÂ MANG MAGBASA NG AKING MGA AKDÂ
walâ mang magbasa nitong aking mga akdâ
walâ mang makinig sa pagbigkas ko ng tulâ
eh, ano? magpapatuloy ako sa paglikhâ
kwento, sanaysay, tulâ, ganyan ang mangangathâ
tulâ ng tulâ ng tulâ ng tulâ ng tulâ
akdâ ng akdâ ng akdâ ng akdâ ng akdâ
kathâ ng kathâ ng kathâ ng kathâ ng kathâ
likhâ ng likhâ ng likhâ ng likhâ ng likhâ
bebentahan ko kayo ng aklat ko ng tulâ
upang may pambili ng kilong bigas at isdâ
sana'y bili kayo ng aklat kong kathang diwà
na pag nabasa n'yo'y tiyak kayo'y matutuwâ
abang makatâ sa panahon ng dusa't luhà
kasamang bumabaka sa panahon ng digmâ
tumutulong sa masa sa panahon ng sigwâ
tuligsa'y mga kurakot na sanhi ng bahâ
- gregoriovbituinjr.
03.05.2026
Miyerkules, Marso 4, 2026
Nilagang dahon at tangkay ng malunggay
NILAGANG DAHON AT TANGKAY NG MALUNGGAY
bente pesos ang apat na tangkay
ng nabiling dahon ng malunggay
na aking pinakuluang tunay
sa kalusugan ay pang-alalay
kayrami pa kasing susulatin
dapat diwa't puso'y palusugin
ideya pa'y aanalisahin
isyu ng dukhâ pa'y ninilayin
kayâ ako'y nagpapasalamat
sa aking kasanggang di masukat
pagkat malunggay lang ang katapat
ika ngâ, pagsasamang maluwat
tara, patuloy pa ring tumulâ
yaong sabi ng abang makatâ
gagaling din ang sugat ng diwà
at giginháwa rin sa pagkathâ
- gregoriovbituinjr.
03.04.2026
Nagmumurang kamatis at talbos ng sibuyas
NAGMUMURANG KAMATIS AT TALBOS NG SIBUYAS
nagmumurang kamatis
at talbos ng sibuyas
sa tulad kong matipid
ngunit di mapagwaldas
nabili'y bente pesos
bawat tumpok, nagmura
piraso'y labing-apat
na kamatis kanina
at gayon din ang presyo
ng talbos ng sibuyas
lalakas kang totoo
ulam na't panghimagas
ulam na payak sadyâ
nitong makatang taring
lalo na't siya'y walâ
doon sa toreng garing
- gregoriovbituinjr.
03.04.2026
Ilog
ILOG
kayrami rin pala nating salawikain
hinggil sa ilog na dapat nating alamin
na bakasakaling makatulong sa atin
paano mo tatawirin ang Ilog Pasig
kung walang tulay? kung may bangka walang katig?
kung meron man, paggaod ba'y kaya ng bisig?
ang tahimik na ilog umano'y malalim
pag maingay ang tao, walang tagong lihim
kung kayang languyin, ilog ba'y lalanguyin?
ang ilog ay di lamang iisa ang pampang
sa lubog ng lupà, ito'y naging pagitan
daluyang tubig, pampang ay magkabilaan
nais ko ring maligo't magbabad sa ilog
tanggalin ang libag, katawan ay ilubog
habang sa diwa'y may ideyang nangingitlog
- gregoriovbituinjr.
03.04.2026
* litrato mula sa Bulgar, 08.17.2025, p.9
Kalye
KALYE
kayraming tao sa kalye
magtatahô, bumibili
may batang hamog, pulubi
may dumaraang dyip, kotse
may tulad kong nagrarali
may mga bata't babae
magagandang binibini
ang naglalakad sa kalye
maralitâ, trabahante
manggagawa, pahinante
at mayroon ding salbahe
kaytindi kung dumiskarte
ang nagtitinda sa kalye
ay kumikita, di lugi
simpleng buhay, ganyan kami
sa araw man o sa gabi
- gregoriovbituinjr.
03.04.2026
* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon
Martes, Marso 3, 2026
Sa gabing pusikit
SA GABING PUSIKIT
eklipse'y di matanaw
ano ang paliwanag?
tanging poste ng ilaw
ang sa gabi'y bumasag
eklipse raw ng buwan
kayâ gabi'y pusikit
tanaw mo ang karimlan
walang talà sa langit
ginawâ ko'y nagnilay
sa mga nagaganap
anong aking palagay
sa laban ng mahirap
tama lang makibaka
labanan ang gahaman
at mapagsamantala
nang hustisya'y makamtan
pusikit man ang gabi
makata'y gising pa rin
kayraming namumuni
mamaya na'y hihimbing
- gregoriovbituinjr.
03.03.2026
Pagtulâ sa rali
PAGTULÂ SA RALI
bibigkas ng tulâ
ang abang makatâ
samutsaring paksâ
sa harap ng madlâ
doon sa lansangan
Mendiola man iyan
paksa ko'y lipunan
baguhing tuluyan
doon lang sa rali
bigkasing maigi
bulok ay iwaksi
mundo'y mapagbuti
plakard ang tangan ko
pag tumulâ ako
sa harap ng tao
sa harap ng mundo
- gregoriovbituinjr.
03.03.2026
* mapapanood ang kalahating minutong bidyo sa kawing na:
Ang tugmaan sa tula kong "Pluma't Kwaderno"
ANG TUGMAAN SA TULÂ KONG "PLUMA'T KWADERNO"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sinubukan kong kumathâ ng tulang may iba't ibang tugmaan. Magkatugmâ ang dalawang magkakasunod na taludtod sa loob ng apat na saknong.
Inihalimbawà ko ang taludturan sa Shakespearean (English) sonnet at sa Petrarchan (Italian) sonnet. Sa Shakespearean ay may tugmaang A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G, habang sa Petrarchan sonnet naman ay may tugmaang A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E.
Ang dalawang nabanggit ay soneto, o tulang may tugma't sukat at labing-apat na taludtod. Ang aking kinatha'y may labing-anim na taludtod sa apat na saknong.
Ang ginawà kong tugmaan sa tulang "Pluma't kwaderno" ay: A-A-B-B, C-C-D-D, E-E-F-F, at G-G-H-H. Narito ang nasabing tula:
PLUMA'T KWADERNO
palagi akong may dalang
pluma't kwaderno sa bulsa
at sa bag, lalo na't handang
magsulat ang mangangathâ
sa dadaluhan kong pulong
ay ilalabas na iyon
susulat ng katitikan
o mga napag-usapan
at sa paghabi ng kwento
at tulâ, handang totoo
itatala'y nasa isip
upang di iyon mawaglit
dinanas ng aping uri
dahil sa trapong kadiri
sa akda'y pinagbubuti
upang sa bayan magsilbi
Sa unang saknong, ang tugmaan ay A-A-B-B, magkatugmâ ang "dala" at "bulsa, habang magkatugmâ naman ang "handâ" at "mangangathâ". Pansinin, ang huling pantig ng "dala" at "handâ" ay may hulaping "ng". Hindi magkatugmâ ang "dalang" at "handang" na ginamit sa nasabing tulâ dahil hindi kasama sa huling pantig na "la" at "dâ" ang hulaping "ng" sa tugmaan.
Kayâ ang tugmaan ay hindi A-A-A-A kahit kapwa titik "a" ang dulo ng mga salitâ, kundi A-A-B-B dahil ang "dala" at "bulsa" ay walang impit sa dulo ng salitâ, habang ang "handâ" at "mangangathâ" ay may impit. Sa ating katutubong panulaan, hindi magkatugmâ ang salitang may impit at walang impit kahit pareho ang dulong titik, tulad ng "dugô" at "berdugo" ay hindi magkatugmâ.
Sa ikalawang saknong, ang tugmaang C-C-D-D. ay halatâ agad at madaling makita. Ang "pulong" at "iyon" ay magkatugmâ, at kapwa "an" ang dulo ng "katitikan" at "napag-usapan".
Sa ikatlong saknong, sa tugmaang E-E-F-F, ang "kwento" at "totoo" ay magkatugmâ. Ang "isip" at "mawaglit" kahit magkaiba ng dulong pantig na "ip" at "it" ay magkatugmâ, batay sa batas sa katutubong panulaan, na ang katinig na malakas na "B, K, D, G, P, S, T" ay magkatugmâ, habang magkatugmâ naman ang "L, M, N, NG, R, W, Y" na pawang katinig na mahina. Kayâ ang "balag" at "balam" ay hindi magkatugmâ, habang ang "bakas" at "bakat" ay magkatugmâ.
Sa ikaapat na saknong, ang tugmaan ay G-G-H-H, bagamat lahat ng salita ay nagtatapos sa titik "i". Ang salitang "uri" at "kadiri" ay magkatugmâ, at kapwa may impit, habang magkatugmâ rin ang walang impit na salitang "pinagbubuti" at "magsilbi". Hindi magkatugmâ ang "kadiri" at "magsilbi".
03.03.2026
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)
Rebolusyonaryo tulad ni Bonifacio - tanaga baybayin
isang rebolusyonaryo tulad ni Bonifacio ganyan kung ituring ko ang yakap na prinsipyo - gbj/03.13.2026 tanaga-baybayin
-
PAGLAHOK SA RALI bakit di ka pupunta sa rali? dahil lang wala kang pamasahe? kung ako, sisimulang maglakad nang makarating at mailadlad ang ...
-
AI CHATBOX, DAHILAN NG SUICICE? (PANGSIYAM SA BALITANG NAGPATIWAKAL) Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Ikasiyam na balitan...
-
HAPUNAN KO'Y POTASYUM taospusong pasasalamat sa nagbigay nitong potasyum tiyak na rito'y mabubundat bigay mula sa isang pulong dalaw...
















































