Lunes, Abril 15, 2024

12 at 17

12 AT 17
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Si Dad ang panlima at si Tiyo Mado ang pang-anim sa magkakapatid. Sila rin ang talagang close. Nang lumuwas ng Maynila si Dad noong 1960s upang mag-aral at magtrabaho, kinuha niya si Tiyo Mado upang makapag-aral din at ipinasok niya ng trabaho sa pinapasukan ni Dad. Sa FEATI University, kung saan doon din ako nagkolehiyo, nakita nina Dad at Tiyo Mado ang kanilang napangasawa.

Gayunman, may naikwento ang aking kapatid, habang kausap namin ang aming pamangkin.

Birthday ni Tiyo Mado, na nakababatang kapatid ni Dad, tuwing Abril 17. Namatay siya noong nakaraang taon, petsang Nobyenbre 12, limang araw bago mag-birthday si Dad.

Birthday naman ni Dad tuwing Nobyembre 17. Namatay siya nitong Abril 12, limang araw bago mag-birthday si Tiyo Mado.

Pareho pala silang isinilang ng petsa 17 at namatay ng petsa 12. Usapan nga ay parang nagsunduan ang dalawa, na talaga namang magkalapit o close na magkapatid.

Limang araw ang pagitan ng numero ng petsa ng pagkasilang at kamatayan - ang 5 bilang prime number.

Hindi naman ako naniniwala sa numerology bagamat BS Math ang aking kurso sa kolehiyo. Gayunman, ikinwento ko lang ang naikwento sa akin.

Maganda rin naman ang numero ng mga petsa na isa ay prime number - ang 17. At pag in-add mo ang 12 at 17, ang sum ay 29 na isa ring prime number, o tanging sa 1 lang ito maidi-divide. Ang 5, 17, at 29, ay prime number, at gansal din o odd number.

Bagamat ang 12 dahil even number ay hindi naman prime number, dahil divisible by 2, 3, 4, at 6, bukod sa 1 at 12.

Kumatha ako ng tula hinggil sa naikwentong ito.

12 AT 17

dalawang mumero ang tila pinagtiyap
nina tiyo't Dad na magkapatid ngang ganap
Tiyo Mado'y sinilang, Abril Disisyete
namayapa siya'y petsa Nobyembre Dose

sinilang si Dad ng Nobyembre Disisyete
namayapa siya sa petsang Abril Dose
magkapatid silang alam kong sanggang dikit
na sa isa't isa'y talagang magkalapit

kina Tito Mado't Dad, ako'y nagpupugay
ang kanilang pagkawala'y nagbigay-lumbay
mga payo nila'y lagi kong tatandaan
aral nilang pamana'y di malilimutan

maraming salamat po sa inyong dalawa
at pagsasama natin noon ay kaysaya

04.15.2024

* litrato ng tsart mula sa google

Pangarap

PANGARAP

pinagsisikapan kong marating
ang lipunang asam ng magiting
tulad ngayon, kahit bagong gising
at ang maybahay ko'y naglalambing

paanong ginhawa'y malalasap
ng pinaglalabang mahihirap
paanong layon ay maging ganap
nang kamtin ang lipunang pangarap

tuloy ang laban ng aktibista
giya ang mga isyu ng masa
patuloy kaming nakikibaka
para sa karapata't hustisya

babaguhin itong nakagisnang
bayan ng tiwali't kabulukan
itayo'y makataong lipunang
sa masa'y dapat may kabuluhan

- gregoriovbituinjr.
04.15.2024    

Linggo, Abril 14, 2024

Pagninilay

PAGNINILAY

isusulat ko ang anumang naninilay
ilalarawan ang anumang makukulay
kumakatha pa rin kahit di mapalagay
sa kasalukuyan man ay tigib ng lumbay

akdain din ang masaya o isyung dala
bilang abang makata, editor, kwentista
bilang mananalaysay ng mga historya
bilang tibak na Spartan, limgkod ng masa

di ko naman hanap ang lugar na tahimik
gabing pusikit man o araw na'y tumirik
kahit maingay, handa ang aking panitik
magsusulat akong walang patumpik-tumpik

ang mahalaga palagi'y may sasabihin
at masisimulan mo na ang aakdain

- gregoriovbituinjr.
04.14.2024

Kamatayan

KAMATAYAN

ang lahat ng tao'y mamamatay
isang katotohanan ng buhay
gayunman, tayo'y tigib ng lumbay
pag mahal sa buhay na'y nawalay

paano ba agad matatanggap
kung may tutuparin pang pangarap
kung sa sakuna'y nawalang iglap
o kung sa ospital na'y naghirap

ang mahalaga, noong buhay pa
noong kayo pa'y nagkakasama
ay nagsikap, nagmamahalan na
at may respeto sa bawat isa

kamataya'y di maiiwasan
masasabing buhay nga ay ganyan
marahil tanging pag-ibig lamang
ang mapapabaon sa libingan

- gregoriovbituinjr.
04.14.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Sabado, Abril 13, 2024

Takipsilim

TAKIPSILIM

sumilang ang araw sa bansa, bayan at kanugnog
sa daigdig ay sisikat ng pagkatayog-tayog
habang ilang oras lamang ito na'y papalubog
at bukas ay sisikat muli ng buong pag-irog

tulad din ng buhay, may pagsikat at takipsilim
tulad din ng pagkawala ng buhay na taimtim
tulad kong isang bubuyog na sa rosal sumimsim
sa bawat umaga't tanghali, sasapit ang dilim

ang paglubog ng araw ay matalinghaga minsan
pagkat nauugnay bilang tanda ng kamatayan
ngunit paano tatanggapin ang katotohanan
na mahal mo'y lumubog na ang araw nang tuluyan

nadarama ko pa rin ang kabutihan ni Ama
sa aming magkakapatid na inaruga niya
ang pagsapit ng takipsilim ay may ibinunga
na magkakapatid, pinakita'y pagkakaisa

- gregoriovbituinjr.
04.13.2024

Bukangliwayway

BUKANGLIWAYWAY

ang pagkasilang ay kapara ng bukangliwayway
ating magulang ay kaysaya't isang bagong araw
pag-uha ng sanggol ay tanda ng pag-asa't buhay
pag narinig ng iba'y palakpak at di palahaw

magsasaka'y gising na bago magbukangliwayway
paparoon na sa bukid kasama ng kalabaw
mag-aararo at magtatanim ng gintong palay
hanggang mag-uhay, pati gulay, okra, bataw, sitaw

manggagawa'y gising na sa pagbubukangliwayway
papasok sa trabaho, may panggabi, may pang-araw
sa pabrika'y binenta ang lakas-paggawang tunay
sa karampot na sahod ang metal ay tinutunaw

O, bukangliwayway, sa bawat aking pagninilay
matapos ang takipsilim, ikaw nama'y lilitaw
upang sambayanan ay gabayan, tula ko'y tulay
sa masa, tanda ng pag-asa't hustisya ay ikaw

- gregoriovbituinjr.
04.13.2024

Biyernes, Abril 12, 2024

Tula kay Dad

TULA KAY DAD

alas-diyes disisiyete kaninang umaga
nang mabalitaan namin ang pagkawala niya
nagyakapan kami ni misis, may luha sa mata
gayunman, tinanggap na naming si Dad ay wala na

maraming salamat, Dad, sa inyong pagpapalaki
sa amin, ikaw ay aming ipinagmamalaki
binigyan ng edukasyon, inalagaan kami
at tiniyak na maging mamamayang mabubuti

buti't nagisnan ninyo ang kasal namin ni Libay
iyon ay isa sa ikinatuwa ninyong tunay
pag inyong kaarawan, tula ang tangi kong tulay
upang sadyang amin kayong mapasaya ni Inay

sa pagkawala ninyo'y tula pa rin itong lahad
hanggang sa muling pagkikita, pahinga ka na, Dad

- gregoriovbituinjr.
04.12.2024
Ang patalastas na ito'y nilabas bago magtanghali sa pesbuk ng inyong abang lingkod.

Kati sa paa

KATI SA PAA

minsan, aralin ding kati ay di kamutin
upang di naman magsugat ang balat natin
kaya ang kati ay talagang titiisin
kaysa ginagawa ikaw pa'y abalahin

lalo't nakasapatos, paa mo'y makati
nakatayo ka pa't siksikan sa LRT
tiis-tiis lang, malayo pa ang biyahe
katabi mo pa'y kaibigang binibini

diyaheng maghubad kung merong alipunga
huwag hubarin ang medyas, sa LRT pa
baka umalingasaw ang amoy ng paa
o kaya'y lumala na ang iyong eksema

minsan nga, kakagatin kang bigla ng langgam
ay babalewalain ang sagpang ng guyam
iyang kati pang tiyak namang mapaparam
kaya huwag mo na itong ipagdaramdam

- gregoriovbituinjr.
04.12.2024

Paalala sa kubeta

PAALALA SA KUBETA

paalala'y kaytagal na
sa pinasok na kubeta
sa opisina, kantina,
retawran at kung saan pa

kubeta'y huwag iiwang
marumi't makalat naman
ang inidoro'y buhusan
huwag burara sa ganyan

may susunod pang gagamit
kaya huwag nang makulit
iwan mo iyong malinis
upang sila'y di mainis

kung sumunod ka, salamat
tao kang talagang mulat

- gregoriovbituinjr.
04.12.2024

Huwebes, Abril 11, 2024

Salin wika sa LRT2

SALIN WIKA SA LRT 2

minsang sumakay sa Cubao ng LRT2 
na balak bumaba sa estasyon sa Recto
paskil sa tren ay kinunan ko ng litrato
Ingles ay sinalin sa wikang Filipino

"Keep hands away from the door edge."
"Huwag ilagay ang kamay sa gilid ng pinto."

"Do not lean on train doors."
"Huwag sumandal sa pinto ng tren."

"Emergency brake and door open handle."
"Pangkagipitang preno at tatangnan ng pinto."

"Break cover, turn handle to apply brake..."
"Basagin ang takip, pihitin ang tatangnan para sa preno..."

"...and unlock door in emergency."
"...at para mabuksan ang pinto sa sandali ng kagipitan."

"Emergency use only."
"Gamitin lamang sa sandali ng kagipitan."

"Penalty for improper use."
"May parusa sa hindi wastong paggamit."

maraming salamat sa wastong pagsasalin
na kauna-unawa habang sakay sa tren
pag nabasa ng masa'y talagang susundin
na nasa wikang pambansang talagang atin

- gregoriovbituinjr.
04.11.2024

Gagawin ko't muling gagawin

GAGAWIN KO'T MULING GAGAWIN

gagawin ko't muling gagawin ang pagkatha
pagkat ito na'y misyon ng abang makata
sa buhay na iwi, umakda ng umakda
ng maikling kwento, sanaysay, dagli't tula

gagawin ko't muling gagawin ang magrali
pagkat tibak akong sa bayan nagsisilbi
upang lipunang asam sa madla'y masabi
upang kalagayan ng dukha'y mapabuti

gagawin ko't gagawin ang makapagturo
kung paano sa sistemang bulok mahango
ang dukha't manggagawang laging ginogoyo
ng kapitalistang tuso't trapong hunyango

gagawin kong muli't muli ang makibaka
nang masa'y kamtin ang panlipunang hustisya
sa madla'y patuloy na mag-oorganisa
upang palitan na ang bulok na sistema

gagawin ko't gagawin ang pananaludtod
habang lipunang asam ay tinataguyod
kumayod mang kumayod, kahit walang sahod
magtutugma't sukat nang walang pagkapagod

- gregoriovbituinjr.
04.11.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Aklatan sa Laot, sa pagdating ng barkong Doulos

AKLATAN SA LAOT, SA PAGDATING NG BARKONG DOULOS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabatid namin ni misis ang pagdating ng barkong internasyunal na MV Doulos sa bansa. Isa iyong malaking bentahan ng aklat na nag-iikot sa buong mundo. Ayon nga sa kanilang patalastas, "MV Doulos Hope, the largest floating library in the world, anchored in Manila for a 19-day visit from March 27 to April 14, 2024, at the Eva Macapagal Terminal, Port Area Manila."

Ayon pa sa kanila, ang salitang 'doulos' ay Griyego at nangangahulugang lingkod o servant, kaya ang barko ay dapat maging 'lingkod ng pag-asa' o 'servant of hope'.

Huli kong punta roon ay noong 2012 pa nang pumunta ito sa bansa noon.

Nagtungo kami ni misis doon, hapon na ng Abril 10, 2024, dahil Araw ng Eid Il Fitr, na isang holiday sa ating bansa. Maraming pila, maraming tao. Sa online ay hindi kami nakahabol ni misis dahil fully booked na, kaya naghintay pa kami ng mga lalabas. Mga kalahating oras din kaming naghintay at nakapasok din sa barko.

Napag-usapan namin ni misis na tila ba mas malaki ang barkong Rainbow Warrior ng Greenpeace sa barko ng MV Doulos.

Sa loob, maraming mga bata, at marami ring shelf ng Children's Books. Halos walang political books, at marami ang bible at religious books. Sa bungad pa lang ay marami nang sudoku puzzles, sa isang malaking lamesa.

Ang nabili ko ay dalawang aklat na pangkalikasan: Ang "Discover Weather and Climate, A Guide to Atmospheric Conditions" at ang "Endangered Animals and How You Can Help." Ang una ay nagkakahalaga ng 200 unit na katumbas ng P240.00 at ang ikalawa naman ay 100 unit o P120.00. Kaya bale P360.00 ang dalawang aklat. Dagdag pa ang isang remembrance ballpen na may tatak ng Doulos sa halagang P40.00 at ang bag na may tatak na Doulos Hope sa halagang P60.00. Kaya P460.00 lahat. Sulit naman dahil bihira namang dumating ang barkong ito sa atin.

Dahil nga walang pampulitika at pang-ekonomyang aklat, at wala ring mga tula, bagamat may ilang literatura, mas pinili ko ang dalawang aklat na pangkalikasan, dahil mas makakatulong ito sa kampanya para sa kapaligiran at klima, lalo na sa pagbibigay ng edukasyon sa mga maralita, na madalas kong kaulayaw bilang sekretaryo heneral ng isang samahang maralita.

Naisip ko, maganda ring may ganitong barko para naman sa panitikang bayan. Mga tula at kwentong bayan, at nobela ng ating mga hinahangaang Pilipinong manunulat, sa wikang Pilipino man at sa wikang Ingles, upang maitaguyod ang ating panitikan sa ibang bansa.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa karanasan sa nasabing barko.

AKLATAN SA LAOT

may bilihan ng aklat sa laot
ito ay sa barkong M.V. Doulos
hapon na, mabuti't nakaabot
kami ni misis sa barkong Doulos

barkong lumilibot sa daigdig
sa lugar na mainit, malamig
misyon ng barko'y nakakaantig
ang mensahe'y pag-asa't pag-ibig

maraming aklat pambata roon
pati na aklat pangrelihiyon
iba'y bumili ng kahon-kahon
kami'y dalawang libro lang doon

umuwi kaming pawang masaya
nabili mang aklat ay dalawa
mahalaga'y doon nakasampa
sana roon ay makabalik pa

04.11.2024

Miyerkules, Abril 10, 2024

Larawan ng magigiting

LARAWAN NG MAGIGITING

nakita kong nakapaskil ang isang ulat
sa burol ni Ka RC nang magpunta ako
makasaysayang tagpo yaong nadalumat
kaya sa selpon ay kinunan ng litrato

aba'y magkasama sa Kill VAT Coalition
na tatlong dekada na ang nakararaan
ang nagisnan kong lider ng kilusan noon
sina RC Constantino at Popoy Lagman

mga dagdag sa dokumentasyon at sa blog
upang mabatid ng sunod na salinlahi
kung sino ang mga lider nating matatag
na nilabanan ang burgesyang naghahari

isang pagkakataong di ko pinalampas
nang pinitikan agad sa selpon kamera
ang kinunang litrato'y mahalagang bakas
na sa aklat ng historya'y dapat isama

- gregoriovbituinjr.
04.10.2024

* nakasulat sa caption ng litrato: "Leaders of the Kill VAT Coalition raise their hands to show unity in their struggle against the tax measure. Fourth from right is former guerilla leader Filemon Lagman who announced his plan to join the movement."
* Gayunman, sa inilabas na pahayag sa pahina ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na nasa kawing na https://www.facebook.com/photo?fbid=738916498412634&set=a.163224469315176
Pinamunuan ni kasamang RC ang multisektoral na koalisyong Sanlakas, at dito ay naging krusyal ang kanyang paglahok sa mga malalapad na pormasyon at mga palikibaka, gaya ng:
- laban sa kontra-mamamayang pagbubuwis (sa mga koalisyong KOMVAT o Koalisyon ng Mamamayan laban sa VAT)...
* litratong kuha ng makatang gala sa burol ni RC, dating pangulo ng Sanlakas, 04.08,2024

Ang patalastas

ANG PATALASTAS

On Sale: My Wife is Missing, mura lang
patalastas sa isang bilihan
ng aklat, wala pang isang daang
piso, kwarenta'y nuwebe lamang

dalawang daang piso'y natipid
nang makita'y tila ba naumid
My Wife is Missing ba'y nababatid
aba, luha'y tiyak mangingilid

buti't si misis ay katabi ko
magkasama kaming naririto
nawawalang misis ba'y kanino
aba'y makadurog-puso ito

baka aklat ay isang nobela
na di ko na rin inusyoso pa
kinunan lang sa selpon kamera
ang patalastas na kakaiba

- gregoriovbituinjr.
04.10.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa National Book Store, Farmers, Cubao, QC

Higit tatlong dekadang pagkilos

HIGIT TATLONG DEKADANG PAGKILOS

higit tatlong dekadang pagkilos
higit dalawang dekadang pultaym
yakap na prinsipyo'y sadyang taos
at talagang di na mapaparam

asam ay lipunang makatao
at mabuwag ang sistemang bulok
gagawa nito'y uring obrero
na dudurog din sa trapo't bugok

nawa sa pang-apat na dekada
ay matanaw na rin ang tagumpay
sa mga kasamang nakibaka
ay taaskamaong nagpupugay

di magsasawa, di mapapagod
patuloy pa rin sa adhikain
na parang kalabaw sa pagkayod
nang lipunang pangarap ay kamtin

- gregoriovbituinjr.
04.10.2024

Martes, Abril 9, 2024

Pagpupugay sa mga kasama ngayong Araw ng Kagitingan

PAGPUPUGAY SA MGA KASAMA
NGAYONG ARAW NG KAGITINGAN

pagpupugay sa lahat ng mga kasama
na patuloy at puspusang nakikibaka
upang makamit ang panlipunang hustisya
na kaytagal nang asam ng mayoryang masa

kayo'y mga magigiting na lumalaban
sa laksang katiwalian at kabulukan
ng sistema sa bansang pinamumunuan
ng burgesya, elitista't trapong gahaman

patuloy na bakahin ang ChaCha ng hudas
na nais distrungkahin ang Saligang Batas
upang ariin ng dayo ang Pilipinas
at maraming batas ang kanilang makalas

bakahin ang salot na kontraktwalisasyon
pati banta ng ebiksyon at demolisyon
panlipunang hustisya'y ipaglaban ngayon
at ilunsad ang makauring rebolusyon

sa Araw ng Kagitingan, magpasyang sadya
tayo na'y magkaisa at magsipaghanda
nang sistemang bulok na'y tuluyang mawala
mabuhay kayo, kapwa dukha't manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa UST España noong Mayo Uno 2023

Bati ni misis sa akin

BATI NI MISIS SA AKIN

"Ammay ay fidfichat" ang bati ng aking asawa
na sa kanilang salita ay "Magandang umaga"
"Ammay ay lafi" naman sa akin kanyang sinabi 
na ang ibig sabihin naman ay "Magandang gabi"

"Ammay ay arkiw" ang bati sa akin nang matanaw
at nakangiting bumabati ng "Magandang araw"
mga salitang Linias na dapat kong tandaan
upang magamit sa usapan, dapat matutunan

o marahil ay makagawa rin ng diksyunaryo
na talagang pagsisikapang magawang totoo
ang talahuluganang Linias-Ingles-Tagalog
na sa ating bayan ay adhika kong maihandog

salamat sa tulong ni misis sa ganitong paksa
na habang buhay pa'y pipilitin kong magawa

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

Linias - salita mula sa tribung I-Lias ng Barlig, Mountain Province

Panata

PANATA

gagawin ko / ang lahat ng / makakaya
upang kamtin / nitong masa / ang hustisya
kalaban ang / nang-aapi / sa kanila
aba'y lalo't / mga trapong / palamara

pinanata / sa kapwa ko / maralita
kasama rin / yaong uring / manggagawa
kami rito'y / aktibistang / nakahanda
upang bulok / na sistema'y / maisumpa

kahit ako'y / nakayapak, / lalakarin
ang mahaba't / salimuot / na lakbayin
na malayang / hinaharap / ay tahakin
at lipunang / makatao'y / itatag din

hinahakbang / mang landasi'y / lubak-lubak
ay huwag lang / gagapangin / pa ang lusak
itong iwing / panata ma'y / munti't payak
lunggati kong / dukha'y di na / mahahamak

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

Kape muna sa umaga

KAPE MUNA SA UMAGA

nagkape muna pagkagising sa umaga
habang naririto pa ring nagninilay pa
ng samutsaring paksang walang isang bida
kundi kolektibong pagkilos nitong masa

walang Superman kundi uring manggagawa
na siyang tagapagtanggol ng aping madla
walang Batman kundi ang kolektibong dukha
na pinapagkaisa ang laksang dalita

bagamat may Doberman na burgesyang bulok
na rabis nila'y dahilan ng trapong bugok
lipunang makatao itong naaarok
subukan nating dukha'y ilagay sa tuktok

iyan ang nasa isip habang nagkakape
paano ko ba ibibigay ang mensahe
para-paraan lang at magandang diskarte
kahit maglakad dahil walang pamasahe

magkape muna, tara munang mag-almusal
magpainit ng tiyan wala mang pandesal
mabuting may kinain kaysa hinihingal
upang sa paghakbang ay di agad mapagal

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

Lunes, Abril 8, 2024

Dalawang dalagita, umano'y nalunod sa ilog

DALAWANG DALAGITA, UMANO'Y NALUNOD SA ILOG

sa ilog Calumpit, dalawang dalagita
ang natagpuang bangkay, mababahala ka
iisipin mo agad, ginahasa sila
at tinapon sa ilog na mga patay na

ngunit anang ulat, posible raw nalunod
ang dalawang dalagita roon sa ilog
wala umanong foulplay, yaon ang inabot
ng imbestigasyon, wala ba roong tanod?

mga biktima'y talagang kaawa-awa
kung kumuha sa kanila'y kalikasan nga
puso ng mga ina'y madudurog sadya
sa buhay ng anak na maagang nawala

kung may foulplay, katarungan ang ating sigaw!
sa mga magulang, taospusong pagdamay...

- gregoriovbituinjr.
04.08.2024

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Abril 8, 2024, headline, p.1, ulat, p.2

Sa ruta ng paglalakbay

SA RUTA NG PAGLALAKBAY

sa pagpasok sa trabaho't pag-uwi araw-araw
ay kabisado ko na ang ruta ng paglalakbay
kahit nagninilay, pag yaong kanto na'y natanaw
o nakapikit man, ang pagliko'y ramdam kong tunay

subalit paano kung may bago kang pupuntahan
na di mo pa kabisado ang mga daraanan
dapat marunong kang magtanong o may mapa naman
upang maiwasang maligaw sa patutunguhan

dyip man, bus, taksi't tren, na sasakyang pampasahero
o papunta ng ibang isla, lululan ng barko
o mangingibang-bansa, sasakay ng eroplano
dapat ruta mo ng paglalakbay ay mabatid mo

ako'y maglalakbay, sa ibang lugar patutungo
kaya dapat maging listo lalo't malayong dako
baka di makabalik kung doon ay mabalaho
kung batid mo ang ruta, may plano kang mabubuo

- gregoriovbituinjr.
04.08.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Linggo, Abril 7, 2024

Sa paglubog ng araw

SA PAGLUBOG NG ARAW

kung sakaling palubog na ang aking araw
sana tagumpay ng masa't uri'y matanaw
kung sakaling araw ko'y pawang dusa't lumbay
ako'y magkagiya sa aking paglalakbay

lalo't tatahakin ko'y malayong-malayo
na di sa dulo ng bahaghari o mundo
kundi paparoon sa masayang hingalo
titigan mo ako hanggang ako'y maglaho

may araw pa't mamaya'y magtatakipsilim
na inaalagata ang bawat panimdim
basta marangal ang nilandas na layunin
ating papel ay di liliparin ng hangin

sa araw na palubog dadako ang lahat
tiyakin lamang na ating nadadalumat
ang kabuluhan ng danas, aral at ugat
sa bawat paglubog, may araw ding sisikat

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala malapit sa pinagdausan ng reyunyon, Abril 6, 2024

Maglulupa

MAGLULUPA

ako'y isang maglulupang tibak
laging handa kahit mapahamak
basta mapalago ang pinitak
at dukha'y di gumapang sa lusak

diwa'y tuon pa ring tutuparin
yaring yakap naming adhikain
yapak man ay aking tatahakin
upang pinangarap ay marating 

dapat maging matatag palagi
nang sa maling gawa'y makahindi
at sa wastong daan manatili
pag biglang liko'y dapat magsuri

magabok man ang mga lansangan
o mainit ang nilalakaran
tulad namin ay di mapigilang
kumilos tungong lipunang asam

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Arawang tubo, arawang subo

ARAWANG TUBO, ARAWANG SUBO

sa kapitalista, isip lagi'y arawang tubo
upang mga negosyo nila'y palaging malago
sa dukha, saan ba kukunin ang arawang subo
ginhawa't pagbabago'y asam ng nasisiphayo

ay, kitang-kita pa rin ang tunggalian ng uri
iba ang isip ng dukha't iba ang naghahari
kalagayan nila'y sadyang baligtad at tunggali
lagi nang walang ulam ang malayo sa kawali

paano nga ba babaguhin ang ganyang sitwasyon?
paanong patas na lipunan ay makamtan ngayon?
may lipunang parehas kaya sa dako pa roon?
o dukha na'y maghimagsik upang makamit iyon?

lipunang makatao'y asam naming aktibista
kaya kumikilos upang matulungan ang masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
malagot ang tanikala ng pagsasamantala

walang magawa ang mga pinunong nailuklok
pinapanatili pa nila ang sistemang bulok
panahon namang ganid na sistema'y mailugmok
at uring manggagawa'y ating ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Ulam na isda

ULAM NA ISDA

ang makata'y napaghahalata
mahilig ko raw ulam ay isda
may tsaa na, mayroon pag tula
bakit gayon? kami'y may alaga
tira sa isda'y para sa pusa

minsan, isda'y aking ipiprito
o kaya luto nama'y adobo
may toyo, suka't paminta ito
sibuyas at bawang pa'y lahok ko
kain ay kaysarap na totoo

pusang alaga'y laging katapon 
na sa bahay, amin nang inampon
natira'y bigay sa mga iyon
nang mabusog pag sila'y lumamon
alam n'yo na bakit ako'y gayon

ika nga, dapat magmalasakit
pusa man ay atin ding kapatid
kahit sila sa bahay ay sampid
may tuwa namang sa amin hatid
pag nawala, luha'y mangingilid

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Plastik sa aplaya

PLASTIK SA APLAYA

reyunyon ng angkan malapit sa aplaya
upang salinlahi'y magkakila-kilala
kami'y nagdatinga't kumain ng umaga
hanggang magsimula na ang handang programa

hapon matapos ang programa't mga ulat
ay nagliguan na ang mag-angkan sa dagat
malinis ang buhangin, walang maisumbat
ngunit may natanaw pa ring plastik na kalat

wala namang nakitang coke na boteng plastik
liban sa pulang takip, tatlo ang nahagip
ganito nga marahil sa lugar na liblib
di gaya sa Manila Bay sa plastik hitik

tinipon na lang ang ilang plastik na ito
sa basurahan inilagak na totoo
saanman may kalikasan, kumilos tayo
pamana sa sunod na salinlahi't mundo

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang dalampasigan, Abtil 6, 2024

Sabado, Abril 6, 2024

Ako si Taraw

AKO SI TARAW

ako si Taraw, asawa ni Lanyag
mula Maynila, puso ko'y nabihag
ng asawa ngayong kaygandang dilag
ugnayang nananatiling matatag

tingni, sa aking t-shirt ay naka-print
ngalang Taraw, kahuluga'y bituin
ito ang ngalang Linias sa akin
na hanggang kamatayan ay dadalhin

maraming salamat sa ngalang ito
kahit di taga-Mountain Province ako
mahalaga, mag-asawa'y narito
para sa isang makataong mundo

salamat sa buhay ko't iniibig
patuloy mang nagbibilang ng pantig
wala mang hinandang puto't pinipig
tangan pa rin ang tindig at pag-ibig

- gregoriovbituinjr.
04.06.2024

* kuha sa reyunyon ng clan, 04.06.2024
* Linias - salita mula sa tribung I-Lias ng Barlig, Mountain Province

Di makapunta sa BaRapTasan

DI MAKAPUNTA SA BARAPTASAN 

iniiyakan ng loob kong di makararating
sa BaRapTasan sa Luneta, ikatlo ng hapon 
sapagkat madaling araw pa lamang  pagkagising
ay bumiyahe na ni misis sa probinsya ngayon

sentenaryo ng Unang Balagtasan, kainaman
sanang masaksihan kasama ang ibang makata
malaking reyunyon ng mga makata ng bayan
wala ako sa mahalagang araw ng pagtula 

makasaysayang sandaling di na mauulit pa
kahit maganap pa ang ikalawang sentenaryo
tiyak sa panahong iyon, tayo'y mga wala na
kaya luha't lumbay na lang ang maiaalay ko 

di ko naman mapahindian si misis sa lakad
dahil mahalaga ring siya'y aking masamahan
gayunman, sa mga makata, maraming salamat
habang ako'y patuloy magtugma't sukat sa tanan

- gregoriovbituinjr.
04.06.2024

Maingay man, makapagsusulat ka

MAINGAY MAN, MAKAPAGSUSULAT KA

huwag kang maniniwala sa nagsasabing
hanap nila upang magsulat ay tahimik
na lugar, bagito pa sila't nanghihiram
pa ng anumang paksa sa katahimikan

huwag kang magsulat sa lugar na tahimik
kung manghihiram ka lang ng paksa sa putik
doon ka sa maingay na lugar, marami
kang paksang maikukwento, nakawiwili

upang makasulat, dapat may sasabihin
kung maraming nasa utak, agad sulatin
huwag kang magsulat sa tahimik na lugar
baka makatulog ka lang, imbes umandar

iyan ang teknik, dapat may sasabihin ka
paksa'y laksa sa paligid, ipunin mo na
malakas man ang isteryo ng kapitbahay
ugong man ng motor o may kudetang tunay

- gregoriovbituinjr.
04.06.2024

Biyernes, Abril 5, 2024

Ang nabili kong aklat

ANG NABILI KONG AKLAT

sa pamagat pa lang ako na'y nahalina
sa nakitang librong nabili ko kagabi
"50 Greatest Short Stories" na'y mababasa
marahil isang kwento muna bawat gabi

nasa wikang Ingles ang maiikling kwento
tanda ko pa nga, mayroon din tayo niyan
librong "Dalawampu't Limang Maikling Kwento"
na kung hahanapin, baka nasa hiraman

dalawampu't limang sikat na manunulat
na nasa pandaigdigang literatura
iba't ibang pinanggalingan nilang sukat
Briton, U.S, Irish, Pranses, Ruso, Canada

sa Europa't U.S. binabasa marahil
kaya wala pang Asyanong may-akda rito
ngunit awtor na Pinoy ay di mapipigil
na sumikat din sa kanyang Ingles na kwento

tigalawang kwento silang mga may-akda
sa "50 Greatest Short Stories" na nabili
inspirasyon sila sa ilan kong pagkatha
sa pagbasa ng akda nila'y nawiwili

- gregoriovbituinjr.
04.05.2024

Talaan ng 25 awtor sa nasabing aklat:
Anton Chekov
Charles Dickens
Katherine Mansfield
Guy de Maupassant
F. Scott Fitzgerald
H. Rider Haggard
O. Henry
Rudyard Kipling
W. W. Jacobs
Virginia Woolf
D. H. Laurence
Saki
Jerome K. Jerome
H. G. Wells
Kate Chopin
Ambroce Bierce
Jack London
Edgar Allan Poe
Stephen Leacock
James Joyce
Bram Stroker
Joseph Conrad
M. R. James
W. Somerset Maugham
R. L. Stevenson

Huwebes, Abril 4, 2024

Chess Master Nicolas, 11, pipiga ng utak

CHESS MASTER NICOLAS, 11, PIPIGA NG UTAK

muling makikipagpigaan ng utak
si Nika Juris Nicolas na sasabak
sa torneyong World Cadet Rapid and Blitz Chess
Championship sa bansang Albania, sa Durres

si Nika Nicolas, edad labing-isa
pinakabatang National Chess Master na
ay nagsimulang mag-chess noong pandemic
nakamit na medalya'y namumutiktik: 

naging Pasig City Athlete Scholar na
hanggang naging National Youth Champion siya
tinanghal din siyang Asian Youth medalist
hanggang naging Eastern Asia youth medalist

tinanghal din siyang Batang Pinoy Champion
na kapuri-puri talaga paglaon
hanggang maging Woman Candidate FIDE Master
ngayon nga siya'y Woman National Master

pagpupugay kay Nika Juris Nicolas
sa kanyang talento sa larong parehas
galingan mo pa sa pigaan ng utak
sa larong chess, pangalan mo na'y tatatak

- gregoriovbituinjr.
04.04.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Abril 4, 2024, pahina 11

Pagkatha sa madaling araw

PAGKATHA SA MADALING ARAW

ikaapat ng madaling araw na'y nagigising
sapagkat iihi sa kabila ng mga dingding
o kaya'y sa kasilyas ngunit di na makahimbing
habang asawa'y humihilik pa ng anong lambing

pagkabukas ng ilaw, agad makikita'y papel
o kwaderno't haharap doon matapos dyuminggel
kakathain ang tunggalian ng demonyo't anghel
demonyo'y naghaharing uri't anghel na di taksil

o marahil naman tititig muli sa kisame
bakit patuloy na nakikibaka ang babae
paano dinala ng kalapati ang mensahe
bakit may tiki-tiki para sa mga bulate

malinaw pa ba ang bungang-tulog o panaginip
na isang manggagawa ang sa nalunod sumagip
na isang magsasaka ang sa palay ay tumahip
na isang makata ang may kung anong nalilirip

- gregoriovbituinjr.
04.04.2024

Miyerkules, Abril 3, 2024

Ang paskil

ANG PASKIL

habang nakasakay / sa dyip ay nakita
ang paskil sa gitnang / isla ng lansangan
nalitratuhan ko / sa selpon kamera

may pagkilos noon / ang mga babae
pagkat araw iyon / ng kababaihan
ako'y nakiisa't / lumahok sa rali

Abante Babae / yaong nakasulat
bagong samahan ba / yaong naitatag
o isang paraan / na masa'y mamulat

ngayon nga'y patuloy / sa pinapangarap
na sistemang bulok / ay ating mawaksi
at ginhawa'y damhin / ng kapwa mahirap

maitayo natin / ang bagong sistema
at isang lipunang / makataong tunay
na ang mamumuno'y / manggagawa't masa

habang nasa dyip nga'y / aking nalilirip
darating ang araw / masa'y magwawagi
kaya magsikilos, / at huwag mainip

- gregoriovbituinjr.
04.03.2024

* litratong kuha ng makatang gala habang nasa España, Marso 8, 2024

O, kay-init ngayon ng panahon

O, KAY-INIT NGAYON NG PANAHON

O, kay-init ngayon ng panahon
tila katawan ko'y namimitig
para bang nasa loob ng kahon
mainit din kaya ang pag-ibig

konti pa lang ang aking naipon
sana'y di pa sa akin manlamig
ang aking diwatang naroroon
sa lugar na palaging malamig

magpatuloy lamang sa pagsuyo
kahit panahon ng kainitan
baka kung pag-ibig ay maglaho
pagsintang kaylamig ang dahilan

panahon man ay napakainit
patuloy pa rin tayong magmahal
kahit sa pawis na'y nanlalagkit
pag-ibig natin sana'y magtagal

- gregoriovbituinjr.
04.03.2024

Dagitab

DAGITAB

bagamat dagitab ay nabasa ko noon
at nababanggit din sa radyo't telebisyon
sa isang krosword ay nakita ko paglaon
na magagawan ko lamang ng tula ngayon

ang tawag nga sa bombilya'y ilaw-dagitab
sa palaisipan nama'y aking nasagap
sa Una Pababa, tanong: elektrisidad
na lumabas na kahulugan nga'y dagitab

ito marahil ay salita nating luma
muling lumitaw, napapaunlad ang wika
kaya ngayon, ito'y ginamit ko sa tula
bilang pagpapayabong sa sariling wika

palaisipan talaga'y malaking silbi
na lumang kataga'y nahuhugot maigi
kaya ang dagitab sakali mang masabi
tinatalakay ay may ugnay sa kuryente

- gregoriovbituinjr.
04.03.2024

Martes, Abril 2, 2024

Inadobong isda

INADOBONG ISDA

daing at galunggong
bawang at sibuyas
may toyo pa't suka
lutong inadobo

dapat lang magluto
pag may iluluto
lalo't nagugutom
at nasisiphayo

nang may maiulam
sa kinagabihan
upang mga anak
ay di malipasan

inadobong isda
sa toyo at suka
nang dama'y ginhawa't
mabusog na sadya

aking ihahain
sa hapag-kainan
itong inadobong
kaysarap na ulam

katoto't kumpare
tara nang kumain
lalo't gumagabi
at nang di gutumin

- gregoriovbituinjr.
04.02.2024

Bakit?

BAKIT?

dapat kong isulat kung bakit
ngayon ay di ako palagay
mga alimangong may sipit
ay nakasusugat ngang tunay

bakit ba ipinagkakait
ang karapatang dapat taglay
mula pagkasilang ng paslit
hanggang sa tumanda't mamatay

karapatang dapat igiit
ipaglaban ng buong husay
katarungang dapat makamit
at dapat na ipagtagumpay

sa uhaw nitong nagigipit
tubig ang marapat ibigay
upang di tayo magkasakit
di agad humantong sa hukay

napag-isip-isip kong saglit
bakit di ako mapalagay
nais kong abutin ang langit
na di alam saan sasakay

- gregoriovbituinjr.
04.02.2024

Sa kaarawan ni Utol Bunso

SA KAARAWAN NI UTOL BUNSO

bunso, maligayang kaarawan
nawa'y hindi ka nagkakasakit
at laging malusog ang katawan
nawa'y manatili kang mabait

birthday sa Unang Araw ng Abril
payo sa iyo'y magpakatatag
sa iyo'y wala lang ang hilahil
kaya dama mo'y laging panatag

nareresolba ang suliranin
dahil mana ka sa ating ina
matalino't aasahan natin
tulad ng ating butihing ama

pagbati muli ng Happy Birthday
handog ko sa iyong tula'y tulay
upang palagi ka pang mag-birthday
sa iyo, si kuya'y nagpupugay

- gregoriovbituinjr.
04.02.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Gateway, Cubao, Abril 1, 2024

Sa ika-236 kaarawan ni Balagtas

SA IKA-236 KAARAWAN NI BALAGTAS

ako'y taospusong nagpupugay
sa dakilang sisne ng Panginay
sa kanyang kaarawan, mabuhay!
sa kanya'y tula ang aking alay

pawang walang kamatayang obra
ang nasa akin ay akda niya
una'y itong Florante at Laura
ikalwa'y Orosman at Zafira

salamat, O, Francisco Balagtas
inspirasyon ka sa nilalandas
tungo sa nasang lipunang patas
at asam na sistemang parehas

mabuhay ka, dakilang makata
kaya tula'y aking kinakatha
na madalas ay alay sa madla
lalo na sa dukha't manggagawa

- gregoriovbituinjr.
04.02.2024

* Francisco Balagtas (Abril 2, 1788 - Pebrero 20, 1862)

Lunes, Abril 1, 2024

Pagbabasa

PAGBABASA

di lamang kabataan ang dapat magbasa
upang mabatid ang lagay ng bansa't masa
di lamang estudyante ang dapat magbasa
upang sa pagsusulit sila'y makapasa

kahit kami mang nasa panahong tigulang
ang pagbabasa na'y bisyo't naging libangan
uugod-ugod man o nasa hustong gulang
ang pagbabasa'y pandagdag sa kaalaman

sa umaga'y bibili na agad ng dyaryo
upang mabatid ang napapanahong isyu
sa hapon nama'y magbabasa na ng libro
kahit takipsilim pa ang abutin nito

hihintayin ko pa ba ang mga bubuyog
na dumapo sa rosas upang makapupog
o magbabasa hanggang araw ko'y lumubog
kapara'y nobelang sa puso'y makadurog

pagbabasa marahil ang bisyo kong tunay
kaysa manigarilyo o kaya'y tumagay
sa pagbabasa man ay nakapaglalakbay
nagagalugad ang lugar na makukulay

- gregoriovbituinjr.
04.01.2024

Banoy

BANOY mawawalâ na raw ang Pilipinong banoy sa loob ng limampu o walumpung taon o kaya'y pagitan ng nasabing panahon nakababahala na ang ...