Sabado, Enero 4, 2020

Kaylakas ng bagyo'y kumakatha

kaylakas ng bagyo'y kumakatha
habang naglalaro yaring diwa
habang tinititigan ang baha
habang paligid ay basang-basa

palutang-lutang ang mga plastik
at naglaglagan ang bungang hitik
mga basurang puno ng putik
ang sa isipan ay tumititik

basang-basa ang buong sampayan
luray-luray ang nasa isipan
kinatha'y di mo basta matingnan
baka mabasa'y sinapupunan

kaytindi ng bagyong nagngangalit
pati diwa ng mamang makulit
kinakatha ang mga pasakit
upang sa papel ay ibunghalit

pagkabagyo'y puno ang alulod
habang lumilikha ng taludtod
sa saknong ay itinataguyod
ang kaisahang di naaanod

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagninilay at pagsusulat

PAGNINILAY AT PAGSUSULAT ngayon pa lang nagsisimula ang gabi sa akin matapos ang maghapong pagninilay sa usapin ano nga bang nasa dako roon ...