Martes, Pebrero 11, 2020

Soneto sa organisador

Soneto sa organisador
(taludturang 2-3-4-3-2)

Animo'y agila kang naroon sa himpapawid
Na sa kalawakan ay may kung anong ihahatid

Gayong isa kang langay-langayang nakikibaka
Organisador na hangad baguhin ang sistema
Rebolusyonaryong kumikilos para sa masa

Ginagampanan mo ang itinalagang tungkulin
At tinataguyod ang niyakap na simulain
Nasa isip paano magtagumpay sa layunin
Isinasagawa ang bawat misyong dapat tupdin

Sa anumang samahan, kapwa'y iyong nililingap
At lagi kang kasama ng masa sa dusa't hirap
Di ka basta aatras sa labang inyong kaharap

Organisador kang maalam sa taktika't pihit
Risko man at problema'y kaharap sa bawat saglit

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Iras at agas-as

IRAS AT AGAS-AS bagamat narinig ko na sa lalawigan pag di ginagamit ay di na matandaan may salitang sa krosword ko unang nalaman palibhasa...