Linggo, Marso 22, 2020

Salamisim ng isang ermitanyo


Salamisim ng isang ermitanyo

ako'y ermitanyong nanahan sa malayong yungib
kaysarap mamuhay roon pagkat payapa't liblib
magtatanim, mangangaso, basta't kaya ng dibdib
ngunit dapat alam umiwas sa mga panganib

pakuya-kuyakoy man, nag-iisip, nagninilay
malayo sa kalunsurang punong-puno ng ingay
o, kaylamig ng hangin habang nagpapahingalay
habang nasa duyang sinabit sa punong malabay

pinagmamasdan ko ang mga bituin sa gabi
pag nakahiga na sa munting dampa't nagmumuni
kumusta kaya ang lipunan ng tuso't salbahe?
mapagsamantala pa rin ba sila't walang paki?

lumayo man ako sa lungsod nang makapag-isip
nais ko pa ring tumulong upang dukha'y masagip
ngunit kung ermitanyo na't iba nang nalilirip
di ko pa batid, buti pang ako muna'y umidlip

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Meryenda

MERYENDA hopya ang nabili ko sa 7/11 sa tapat ng ospital upang meryendahin may handa namang pagkain sa silid namin pag di kinain ni misis, a...