Lunes, Marso 23, 2020

Sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib

sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib
manggagawa'y di na makapagtrabaho ng tigib
sarado ang mga lungsod, tira muna sa liblib
tinatahanang dampa animo'y palasyong yungib

nauubos na ang pondo't gutom na ang kaharap
dahil sa salot ay naapektuhan ang pangarap
ngunit sino nga ba ang sa bawat isa'y lilingap
kundi tayo-tayo rin, at bawat isa'y mangusap

dahil ss salot, nagkwaratina't di mapalagay
nagmistulang ermitanyo sa liblib na barangay
tangan ang kwaderno'y kung anu-anong naninilay
huwag lamang mahawa ng sakit na lumalatay

naiinis sila't isip ng isip ang makata
kaysa manood ng telebisyon, katha ng katha
sulat man ng sulat ay nakikinig ng balita
huwag lang sa kwarantina, sanidad ay mawala

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

O, dilag kong minumutya

O, DILAG KONG MINUMUTYA O, dilag ko't tanging minumutya akong sa labana'y laging handa daanan man ng maraming sigwa buhay ko'y i...