Biyernes, Abril 3, 2020

Ako'y aktibistang nangangarap ng pagbabago

Ako'y aktibistang nangangarap ng pagbabago

ako'y aktibistang nangangarap ng pagbabago
na karapatang pantao'y laging nirerespeto
aking pinangarap maging isang Katipunero
at sosyalistang hangad ay pagkapantay sa mundo

sa Liwanag at Dilim ni Jacinto'y nasusulat
sabi niya: "Iisa ang pagkatao ng lahat!"
ito'y napakaganda't sadyang nakapagmumulat
kaya igalang bawat isa kahit di kabalat

aralin ang lipunang may mayaman at mahirap
bakit ganito ang sistema't hirap ang nalasap?
anong klase bang pagbabago ang dapat maganap?
di ba't dapat mawasak ang ugat ng paghihirap

ako'y aktibistang di pa titigil sa pagkilos
pagkat kayrami pang masang naghihirap at kapos
sa puso't diwa pagkapantay nawa'y mapatagos
ibahaging pantay ang yaman sa masa ng lubos

hanggang di pa pantay ang kalagayan sa lipunan
patuloy akong kikilos, magmumulat sa bayan
na pribadong pag-aari'y ugat ng kahirapan
titigil lamang ako sa araw ng kamatayan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...