Miyerkules, Mayo 6, 2020

Sumugod ang tandang sa tarangkahan ng pag-ibig

sumugod ang tandang sa tarangkahan ng pag-ibig
sinundan ang inaheng nais niyang makaniig
sa pagkurukok, tila puso'y kaylakas ng pintig
tanda ng ligayang animo'y may haing pinipig

anong rikit ng paglitaw ng araw sa silangan
nakakapanginig ang simoy ng hanging amihan
kayputi naman ng alapaap sa kalangitan
na tila sa buong araw ay may kapayapaan

habang yaong tandang ay patuloy lang sa pagpupog
at ang inahen, maya-maya lang ay mangingitlog
paano nanligaw ang tandang, pagsinta'y niluhog?
nag-alay din ba ng palay at matamis na niyog?

Balagtas: "O, pagsintang labis ng kapangyarihan"
napakalayong tinig na narinig pa ng tandang
kaya sumisintang puso'y namugad nang tuluyan
kasama ang sintang bubuo ng kinabukasan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa mga nag-ambag ng tulong

SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG sa panahong ito ng kagipitan ay naririyan kayong nag-ambagan nagbigay ng inyong makakayanan nang lumiit ang aming...