Sabado, Hunyo 20, 2020

Ang misyon ko bilang makata

nakikita ko ang sariling makata ng bayan
na inilalarawan ang buhay ng karaniwang
masang hagilap ay karapatan at katarungan
pati na manggagawang bumubuhay sa lipunan

nakikita ko ang sariling makata ng dukha
na inaakda'y luha, dusa't hirap ng dalita
bakit ba sila iskwater sa tinubuang lupa?
bakit walang sariling bahay sa sariling bansa?

ako rin ay isang makata ng matematika
tinutula'y tulad ng calculus, geometriya,
algoritmo, logaritmo, at trigonometriya,
samutsaring paksa upang maunawa ng masa

sa usaping astronomiya'y naging makata rin
na pinag-uusapan ang buwan, araw, bituin,
konstelasyon, buntala o planeta'y talakayin
lalo't apelyido ng makata'y paksang layunin

isa ring makata ng manggagawa ang tulad ko
lalo na't ako'y naging manggagawa ring totoo
diwa ng uring manggagawa'y tinataguyod ko
nang maitayo ang kanilang lipunang obrero

inoorganisa ko lagi ang mga taludtod
binibilang ang pantig, ang saknong ay hinahagod
bagamat nakakagutom din, wala ritong sahod
ang mahalaga, sa bawat pagtula'y nalulugod

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...