Biyernes, Hunyo 19, 2020

Di na kumakain ng tatlong beses isang araw

di na kumakain ng tatlong beses isang araw
sa kwarantina'y ganito ang patakarang hilaw
minsan, dalawang beses lang kumakain ng lugaw
o kaya'y saging o manggang manibalang o hilaw

tatlong beses bawat araw kumain yaong hiling
sa bawat pakikibaka ng mga magigiting
subalit sa lockdown, animo mata'y nakapiring
natutulog na mata'y dilat, akala mo'y gising

bawat araw na'y kumakain ng dalawang beses
sa kawarantina'y ganito na tayo nagtitiis
lagi sa bahay, dapat sa bahay, hindi aalis
walang sahod, walang kita, sadyang nakakainis

almusal at tanghalian ay pinagsasabay na
alas-diyes o alas-onse kakain tuwina
alas-singko o alas-sais ng gabi'y sunod na
kain, ganito, tipid-tipid habang kwarantina

minsan, altanghap: almusal, tanghalian, hapunan
pinagsasabay na isang beses ang mga iyan
ganito na ang bagong normal na nararanasan
ang tatlong beses bawat araw ba'y pangarap na lang?

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...