Lunes, Hunyo 8, 2020

Pagsilab ng pinagkayasan

aking tinipon ang pinagkayasan ng kawayan
baka magamit pa't di tinapon sa basurahan
kawayang kinayas upang haligi ng kulungan
ng manok at mga anak niyang aalagaan

ang pinagkayasan ay maaaring pagsilabin
sa gabing parang katol upang lamok ay patayin
o magsilayo sa amin, mahirap nang kagatin
kami't magkadengge'y tiyak magastos pang gamutin

dapat sa umaga'y walisin ang kuta ng lamok
habang nasa isip, maraming bata ang nalugmok
sa dengge't marami rin ang nangamatay sa turok
malaman lang ang pangyayaring ito'y di malunok

kaya mumunting pinagkayasan ay tinipon ko
at magamit sa gabing lamok ang kahalubilo
nagbabakasakaling sila'y mawalang totoo
nang di magkasakit ang aking pamilyang narito

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

O, dilag kong minumutya

O, DILAG KONG MINUMUTYA O, dilag ko't tanging minumutya akong sa labana'y laging handa daanan man ng maraming sigwa buhay ko'y i...