Lunes, Hulyo 13, 2020

Pagtatanim ng talong sa karton ng gatas

kanina'y nagtanim ng talong sa karton ng gatas
lalagyang karton na nilagyan ko naman ng butas
ginupit ang isang bahaging ngayon nakabukas
nilagyan ng lupa't pataba, kaygandang mamalas

sa lupa't patabang pinaghalo'y aking tinanim
ang binhi ng talong habang langit ay nagdidilim
may nagbabadyang unos, alapaap ay maitim
sana'y lumago ang talong nang walang paninimdim

kartong lagayan ng gatas na imbes ibasura
ay gamitin upang tamnan ng talong na kayganda
balang araw ay may aanihin, kaysarap pala
sa pakiramdam, at di magugutom ang pamilya

habang lockdown pa'y halina't magtanim-tanim tayo
sa karton, lata ng sardinas, o plastik na baso
sa walang lamang lalagyan imbes ibasura mo
para sa kinabukasan ay may anihing totoo

- gregbituinjr.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paalala sa pasilyo

PAALALA SA PASILYO malinaw ang paalala sa dinaanang pasilyo bago nasok sa Session Hall "Do Not Disturb"  sabi dito na ang ibig sab...