Huwebes, Agosto 13, 2020

Bugtong sa hayop

tila ba iyon ay bastong di mahawak-hawakan
o kaya'y sinturong baka ikaw ay puluputan
pausad-usad sa puno o kaya'y sa damuhan
dala-dala'y kamandag kaya kinatatakutan

kulisap yaong malaki ang mata kaysa ulo
sa kabukiran nga ito'y paroon at parito
kahit di lumilipad ay di maitiklop nito
ang pakpak na kung lumipad ay parang eroplano

animo'y sastre itong kung manahi'y nagbabaging
sa gitna'y tumitigil, doon nagbahay sa lilim
subalit walang bubong o haliging itinanim
sa ibang kulisap nga, gawang bahay nito'y lagim

pagmasdan mo't sa kalupaan ay kukupad-kupad
ngunit pag nasa tubig na'y kaybilis ng pag-usad
laging usong ang bahay kaya kaybagal lumakad
ngunit pag bahay na'y binangka, tila may pag-unlad

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...