Miyerkules, Setyembre 16, 2020

Pagninilay sa madaling araw

maraming nasayang na panahon kung ninilayin
sana'y nakatapos ako ng maraming sulatin
madaling araw kadalasang nagsusulat man din
pagkat sa buong maghapon ay may ibang gawain

di makapagtipa sa kompyuter kundi gabi lang
o sa madaling araw na ako'y gigising naman
ngunit sulit ang umaga't may kwadernong sulatan
doon ko tinatala ang anumang karanasan

baka masabon ding pulos kompyuter ang kaharap
gayong wala raw kita roon, pera ang hagilap
dagdag gastos pa sa kuryente gayong naghihirap
walang trabaho, walang ambag na kanilang hanap

ganyan ang pakiramdam sa panahong kwarantina
umaga'y mag-eekobrik ng plastik na basura
sa hapon, magsusulat, haharapin ang labada
alas-syete o alas otso ng gabi'y tulog na

gigising ng alas-dose ng gabi't magtitipa
sa kompyuter, tutulog ng alauna, simula
muli ng alas tres o alas kwatro ng inaakda
hanggang mag-umaga na saka lalabas ng lungga

gayunman, dapat igalang ang kanilang pananaw
gagawin ko na lang ang akda sa madaling araw
mahalaga'y may kinakatha kahit na maginaw
malakas pa naman ako't kaya ko pang gumalaw

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...