Martes, Setyembre 8, 2020

Pagsusulat sa madaling araw

madaling araw ang karaniwan kong pagsusulat
kung saan marami'y himbing pa't di pa dumidilat
panahong sa diwa'y dadalaw ang di madalumat
mutya ng haraya'y naroon sa aking pagmulat

maagang tutulog upang gumising ng alas-tres
o alas-kwatro ng madaling araw, tulog-nipis
di matingkala'y sinisiwalat ng bawat amis
bakasakaling gumaling na ang natamong gurlis

masisisi ko ba ang aking bawat kapalpakan
sa maraming bagay na dapat pang mapag-aralan
minumuni ang tanikala ng kaalipinan
mula sa karukhaang di batid kung makayanan

sige, aakdain ko anumang dapat sulatin
habang gurlis na natamo'y aking pinapagaling
habang pinagninilayan ang maraming usapin
habang niyakap kong adhika ang laging kapiling

tiyak kong ang mga tandang na'y magsisitilaok
tao'y gigising din kasabay ng gising ng manok
umaga na pala't bagong araw na'y pumapasok
habang ako nama'y sinasagilahan ng antok

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Larong Unblock

LARONG UNBLOCK puzzle - six by six na parisukat ay ilabas mo ang isang tipak na kulay pula sa ilang tira pag napalabas mo'y tagumpay ka ...