Lunes, Oktubre 19, 2020

Ang gawain kong pagsasalin

Ang gawain kong pagsasalin

may kompyuter na't wifi, mayroong teknolohiya
magsalin ng Ingles sa Filipino'y madali na
subalit pag ninamnam mo ang salin mong binasa
minsan, mali ang kahulugan sa iyong panlasa

kaya ako'y nagsasalin sa mahabang estilo
bawat pangungusap ay isusulat sa kwaderno
di laging literal na salita, unawain mo
upang iyong makuha ang kahulugan ng wasto

di lang bolpen at kwaderno ang iyong gagamitin
kundi dalawang wika'y kabisado mo't namnamin
nirerepaso't binabalikan ang mga salin
pangungusap at talata'y dapat mong unawain

kung Pluto'y dwarf planet, ang salin ba'y dwendeng planeta
gayong di ito dwende kundi maliit sa iba
dwarf dahil maliit, di dahil dwendeng may mahika
mainam bang Pluto'y tawaging punggok na planeta

suriing mataman ang nakapaloob na diwa
na nais iparating sa madla niyong may-akda
upang kahulugan sa salin ay walang kawala
upang manamnam mo ang lasa ng bawat salita

salin ng salin, dapat batid ang sariling sulat
upang sa kompyuter ay maitipa ng maingat
diksyunaryo ng mga salita'y tangan ding sukat
bilang sanggunian kung ang salita'y nararapat

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala a...