Linggo, Oktubre 18, 2020

Ang kaibhan ng poetry at poem

"...but it is only the study not of poetry but of poems, that can train our ear." - T. S. Eliot
- mula sa aklat na Selected Prose of T. S. Eliot, p.108

tanong: anong kaibahan ng poem at poetry?
masagot kaya ito ng makatang nagmumuni?
kay T. S. Eliot ay ito ang kanyang sinabi
na sa akin nama'y kariktang nakabibighani

poetry ba pag inalayan siya ng bulaklak?
pagkat sa kanyang kariktan ako'y napapalatak?
poem na ba pag tinulad ko siya sa bulaklak?
siya'y rosas na matinik ngunit iindak-indaK?

susuriin mo di lang ang katitikan ng tula
di lang paano ito isinulat ng makata
susuriin mo'y nakapaloob na talinghaga
paano tumagos sa puso yaring parikala

paano kung sa sariling wika ito isalin
ang poetry ay tula, at ang poem ay tula rin
minsan ang tula'y tulay upang mutya'y pasagutin
kaya tula'y kaysarap unawain at namnamin

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tagas, tagis, tagos

TAGAS, TAGIS, TAGOS hanapin kung saan may tagas upang ito'y agad malutas pag may tubig na lumalabas presyo nito'y tiyak tataas pagha...