Biyernes, Oktubre 2, 2020

Di ako papepi

di ako papepi, di rin naman naging palaboy
masipag akong kumilos kung may mithiing tukoy
may prinsipyo't paninindigan, adhika'y may latoy
habang naririnig ang mga aping nananaghoy

di ako papepi, lampa o mahina ang tuhod
lalo't may simulain akong itinataguyod
ngunit tibak na maingat, di basta sumusugod
nagsusuri, nagninilay, di basta nakatanghod

di ako papepi, patuloy pa ring kumikilos
upang lipunang makatao'y ikampanyang lubos
magkapitbisig ang uring proletaryo't hikahos
bakahin ang pagsasamantala't pambubusabos

di ako papepi, lalo na't tibak na palaban
pagtayo ng lipunang makatao'y tinindigan
na sa buhay na ito'y dapat nating pagsikapan
para sa maunlad at pantay na kinabukasan

- gregoriovbituinjr.

* papepi - kolokyal o slang sa kinalakihan kong Sampaloc, Maynila, na ibig sabihin ay lampa o mahina ang loob at tuhod

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagtula habang nasa ospital

PAGTULA HABANG NASA OSPITAL inaaliw ko ang sarili sa pagtula sa ospital, kay misis ay nagbabantay pa dito sa silid ay maraming nakakatha suw...