Linggo, Oktubre 25, 2020

Dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan

dinig ko rin ang pagbuhos ng malakas na ulan
at sa radyo'y awit ng ASIN ang pumailanlang
ang pinamagatang "Masdan Mo Ang Kapaligiran"
ayon sa umawit, pag namatay "sana'y tag-ulan"
anya'y "upang sa ulap na lang tayo magkantahan"

nakipagsabayan ang patak ng ulan sa himig
ng awiting ang umawit ay kaylamyos ng tinig
habang nagsasalin ng akda, dama'y halumigmig
habang ninanamnam bawat salitang pumipintig
habang kunwa'y tumatagay ng lambanog at tubig

at pinagmasdan ko ang ulap sa labas, kay-itim
di pa naman gabi ngunit animo'y takipsilim
paano makakasilong sa punong walang lilim
kung puno'y pinagkakitaan na ng mga sakim
awit ay inunawa, kaybabaw, ngunit kaylalim

makabagbag-damdamin, mapagmulat, inspirasyon
upang kapaligiran ay pagmasdan natin ngayon
sangkaterbang plastik ang sa dagat na'y lumalamon
upos ng yosi'y nagkalat, kaytindi ng polusyon
sa nangyaring ito, bansa pa ba'y makakaahon?

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala a...