Biyernes, Oktubre 30, 2020

Tapusin na natin ang laban

niyurakan ng sistemang bulok ang pagkatao
ng laksa-laksang dukha't masisipag na obrero
sa tokhang nga'y barya-barya lang ang buhay ng tao
itanong mo man sa kasalukuyan mong gobyerno

wala nang prose-proseso ng batas ang ginawa
na naging patakaran na ng pinunong kuhila
kung sino ang suspek ay basta na lang bubulagta
kung sinong mapaghinalaan ay tutumbang bigla

tama ba ang ganitong walang proseso ng batas
alam mong panuntunang iyan ay tadtad ng dahas
pinaglaruan ang batas upang magmukhang butas
karapatan na'y balewala't kayraming inutas

dapat dinggin ng bayan ang hibik ng aping masa
at usigin ang mapang-api't mapagsamantala
dapat palitan ng bayan ang bulok na sistema
dukha'y magkapitbisig tungong ganap na pag-asa

ah, di pa tapos ang laban, di pa tapos ang laban
upang panlipunang hustisya'y makamit ng bayan
huwag hayaang "hustisya'y para lang sa mayaman"
tapusin natin ang laban, baguhin ang lipunan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...