Linggo, Pebrero 21, 2021

Sa bawat pintig ng orasan

Sa bawat pintig ng orasan

bawat oras, minuto, segundo nga'y humihinga
sa ibinigay na panahon, tayo ba'y masaya?
nakikipagkapwa-tao, di nagsasamantala?
at di iniisahan para sa tubo ang masa?

paano ba natin sinusulit ang bawat oras
natin sa mundong samutsari ang danas at dahas?
asam na pag-asa ba'y lumalapat ng madulas?
pakikitungo ba sa kapwa'y parehas at patas?

sa Kartilya ng Katipunan ay may ibinilin
pati na rin sa awiting Usok ng grupong Asin
sabi nila: "Ang panahon ay huwag mong sayangin"
mahalagang diwang dapat nating pakaisipin

may awit pang "Pana-panahon ang pagkakataon,
maibabalik ba ang kahapon? - Noel Cabangon
isagawa nang wasto ang ating layon at misyon
tuparin ng tapat habang tayo pa'y may panahon

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...