Biyernes, Abril 9, 2021

Tula sa Araw ng Kagitingan

TULA SA ARAW NG KAGITINGAN

halina't alalahanin yaong kabayanihan
ng mga kababayang lumaban para sa bayan
ikasiyam ng Abril nang bumagsak ang Bataan
sa kamay ng Hapon, ng mananakop na dayuhan

Ikalawang Daigdigang Digmaan nang mangyari
ang sagupaang iyong ang namatay ay kayrami
napasuko ang Pilipino sa gerang kaytindi
sumuko naman ang mga Kanong di mapakali

ang Bataan at Corregidor sa lupa'y nabaon
iyon ang natitirang tanggulan laban sa Hapon
ang Timog-Silangang Asya noong panahong iyon
ay halos nasakop na raw ng bansang Japan noon

prisoner of war ang halos walumpung libong kawal 
ayon pa sa kasaysayan, na atin ding inaral
Death March mula Bagac hanggang Capas, nakagigimbal
sandaang kilometrong hakbang, buti't may tumagal

huwag kalimutan ang nakibakang Hukbalahap
na nagtanggol din sa bayan sa kabila ng hirap
ipinaglaban ang kinabukasang hinaharap
sinagupa ang daluyong ng mga mapagpanggap

Araw ng Bataan, naging Araw ng Kagitingan
na dati ring Araw ng Corregidor at Bataan
taas-kamaong pagpupugay sa kabayanihan
ng mga lumaban at namatay para sa bayan

- gregoriovbituinjr.
04.09.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagngiti

PAGNGITI palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram na isang palaisipan sa pahayagan dahil bĂșhay daw ay isang magandang bagay at kayraming dap...