Martes, Mayo 25, 2021

Ang isdang nababalutan ng plastik

ANG ISDANG NABABALUTAN NG PLASTIK

kaytindi ng balitang nababalutan ng plastik
ang galunggong na iyon na kanilang inihibik
habang isdang yaon ang pulutan ko sa pagbarik
kinakain ko na rin kaya'y mga microplastic?

sinong may kagagawan sa ganitong nangyayari?
pag nagkasakit dahil dito'y sinong masisisi?
sisisihin mo ba'y isda't kinain nila kasi?
ang naglipanang plastik na sa laot nga'y dumami?

anong dapat nating gawin? anong mungkahi ninyo?
sa susunod na henerasyon ba'y pamana ito?
paano ang kalusugan ng ating kapwa tao?
kung hahayaan lang nating mangyari ang ganito?

pinag-uusapan talaga ang West Philippine Sea
habang sa isdang kumain ng plastik, tayo'y pipi
balita lang ba ito't magiging bulag at bingi?
o dapat tayong kumilos sa problemang sakbibi?

halina't magsama-sama at ito'y pag-usapan
at igiit natin sa maraming pamahalaan
na ating karagatan ay puno ng kaplastikan
sana namununo'y di rin plastik ang katugunan

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Akap

AKAP aakapin mo pa ba ang isang sistema kung sagad-sagarin nang mapagsamantala o iyon ay agad-agad mong isusuka tulad ng ayuda para sa pulit...