Sabado, Mayo 15, 2021

Balintataw

BALINTATAW

gising pa rin ang diwa kahit sa madaling araw
kahit pinatay na ang ilaw at wala nang tanglaw
animo'y naglalakbay pa rin sa gitna ng araw
datapwat nasa karimlan, nanunuot ang ginaw

nakamulagat, di makapikit ang mga mata
pakamut-kamot, walang kumot, tila nangangamba
habang sumasayaw ang alitaptap na may dala
ng ilawan na sa gabi'y tila baga estrelya

sino ang bida sa munting nobelang kinakatha
anong prinsipyong taglay sa aba kong inaakda
walang superman o batman o kung sinumang mama
kundi ang bayani ay ang nagtutulungang madla

kontrabida'y ang sistema, ang masa ang bayani
kolektibong pagkakaisa ang namamayani
kalaban ng mga sakim at tusong nawiwili
sa kinagisnang pagsasamantala 't pang-aapi

walang iisang bayani kundi ang taumbayan
na sama-samang nagdadamayan, nagtutulungan
upang itayo ang isang makataong lipunan
kung saan wala nang magsasamantala sa tanan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kakanggata, pinakadiwa

KAKANGGATA, PINAKADIWA tanong sa palaisipan: Pinakadiwa dalawampu't siyam pahalang ang salita lumabas na sagot doon ay: kakanggata na ka...