Miyerkules, Mayo 5, 2021

Ginisang wombok





GINISANG WOMBOK

kaysarap ng inulam kong wombok o petsay Baguio
na sa isang sibuyas at bawang ay ginisa ko
pang-almusal, pananghalian, hapunan na ito
kahit isang wombok lang, pangmaramihang totoo

dito'y pumilas lang ako ng nasa sampung dahon
makapal pa ang wombok, pangsanlinggo yata iyon
tantya ko'y higit limampung dahon pa ang naroon
tamang pang-ulam para sa maraming nagugutom

kung dahon ng petsay sa Maynila'y pito o walo
baka ang sangkilong wombok ay animnapu't tatlo
kaya laking pasalamat ko sa wombok na ito
pagkat ilang araw din itong pagkain, panalo!

nagsaliksik ako hinggil sa wombok at maarok
ang iba pang uri ng petsay na dito'y kalahok
sa U.P. Diksiyunaryong Filipino'y walang wombok
idagdag ito sa diksyunaryo'y aking paghimok

tara, ang niluto kong ginisang wombok ay tikman
ako'y sabayan na rin ninyo sa pananghalian
tiyak madarama ninyo'y di lamang kabusugan
kundi masasarapan pa kayo't masisiyahan

- gregoriovbituinjr.
05.05.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tanong sa krosword: Ikli ng bakit

TANONG SA KROSWORD: IKLI NG BAKIT ang kadalasang tanong:  Pamalo ng bola subalit ang tanong ngayon ay kakaiba tila nadadalian na o nauumay a...