Linggo, Mayo 2, 2021

Kagutuman sa gitna ng pandemya

KAGUTUMAN SA GITNA NG PANDEMYA

gutom ang nararanasan sa gitna ng pandemya
na ayon sa survey ay anim sa sampung pamilya
anong tindi ng datos, may maaasahan pa ba
sa gobyernong di na makapagbigay ng ayuda?

kayrami ng nawalan ng trabaho sa pabrika
marami na ring mga nagsasarahang kumpanya
mga dyipney drayber ay di na makapamasada
dahil minibus na'y ipinapalit sa kanila

mabuti nga't nagsulputan ang community pantry
anang pangulo'y inorganisa ng ignorante
pulos ngawa't kung anu-ano pa ang sinasabi
katibayan ng kapalpakan ng gobyernong imbi

dahil sa community pantry, nagbabayanihan
ang taumbayan maibsan lamang ang kagutuman
bagamat ito'y pansamantalang katugunan lang
habang wala pang magawa ang rehimeng hukluban

sa mga community pantry, maraming salamat
dahil sa inyo, maraming tao ang namumulat
bayanihan dahil sa problemang nagdudumilat
na tindi ng kagutuman ang isinisiwalat

sa nagtayo ng community pantry, pagpupugay
pagkat sa kapwa kababayan, kayo'y dumadamay
taospusong pasasalamat ang sa inyo'y alay
talagang sa bayan nagsilbi, mabuhay! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Relatibo

RELATIBO sa mga kamag-anak ko't katoto kapisan, kumpare, kaugnayan ko pulitikal at personal ba'y ano? masasabi ba nating relatibo? p...