Linggo, Mayo 2, 2021

Katatakutan

KATATAKUTAN

nagmumulto ang mga nilalang
ang nadama ng mga magulang
di nila alam saan nagkulang
lalo't inosente ang pinaslang

madalas akong magbasang sadya
ng mga katatakutang akda
kaya minsan ay laging tulala
pati guniguni'y lumuluha

sa karimlan sumabog ang lagim
nanokhang ang alagad ng dilim
mga gawang karima-rimarim
amoy asupre ang nasisimsim

masdam mo ang malamig na bungkay
na sa dugo'y lumutang na tunay
pagkatao nila ang niluray
ng mga aswang na pumapatay

sagad sa buto ang inhustisya
at di matahimik ang pamilya
habang pangulo'y tatawa-tawa
pag may katawang itinutumba

naglalaway sa sugo ang aswang
pagkat maya't maya'y pumapaslang
lalo't atas ng ama ng tokhang 
kaya sinunod ng mga bu-ang

inhustisya'y nakapanginginig
ramdam iyon sa gabing malamig
sa salarin ay sinong lulupig
kung walang sinumang mang-uusig

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS pag tinali, tinalo, tinola ang labas pulutan sa alak o kaya'y panghimagas isinabong ang tandang sa ...