Lunes, Mayo 3, 2021

Katha lang ng katha

KATHA LANG NG KATHA

di na rin makasali sa anumang paligsahan
wala ring mapagsulatang anumang pahayagan
grupo-grupo kasi, anang makatang kaibigan
kung sinong kakilala ang mayroong karangalan

subalit ako'y di naman talaga sumasali
nadala na ako kay Rio Alma sa sinabi
pulos social realism daw ang aking putahe
at sumasalamin sa mga katha ko't diskarte

tanggap ko naman ang kanyang mga sinabing sadya
ngayon nga'y isa lang akong makatang maglulupa
naglilingkod sa pambansang samahang maralita
kasama rin sa pakikibaka ng manggagawa

di man sumasali sa paligsahan ng pagsulat
bagamat dating nagpasa sa Palanca't inalat
mabuting magsulat ng tula kung may mamumulat
at kung may magbabasa ng aking mga sinulat

kumakatha di upang manalo sa paligsahan
kundi ang magsilbi sa pagbabago ng lipunan
katha lang ng katha, iyon ang aking panuntunan
at bakasakaling may ambag sa kinabukasan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Isang tula bawat araw

ISANG TULA BAWAT ARAW ang puntirya ko'y isang tula bawat araw sa kabila ng trabaho't kaabalahan sa pananaliksik, pagsulat ng pananaw...