Biyernes, Mayo 7, 2021

Muni sa naganap noong Mayo Uno 2021

MUNI SA NAGANAP NOONG MAYO UNO 2021

galit ang manggagawa pagkat itinaboy sila
ng mga pulis, nagsama-sama raw sa kalsada
Araw ng Paggawa, manggagawa'y may disiplina
katulad din ng pagiging obrero sa pabrika

Araw ng Paggawa, kaarawan ng manggagawa
dapat ipagdiwang ang kasaysayang pinagpala
na ipinagwagi ang walong oras na paggawa
na ipinagwagi ang maraming batas sa bansa

tinaboy ng mga pulis na alam lang sumunod
utos iyan sa itaas, dapat lang daw sumunod
nagpasensya na lang, baka mapalo pa sa likod
di pa organisado kaya di pa makasugod

patungo sa Mendiola upang doon ay ilahad
ang samutsaring kahilingan at isyu'y ilantad
kontraktwalisasyon ay tanggalin, ay di natupad
ayudang sapat. wala nga bang pondo o kaykupad

manggagawa'y nagtayo rin ng community pantry
nagdadamayan at nagbayanihan ang marami
datapwat sa palasyo'y balewala ang ganire
patutsada pa ni Duterte, sila'y ignorante

tindig ng manggagawa, patalsikin ang inutil
kontraktwalisasyon pala'y di kayang ipatigil
kayraming buhay pang walang due process na kinitil
bansa pa'y pinamimigay na sa Tsina ng taksil

kaisa ng manggagawang itaguyod ang tama
kaya lipunang makatao ang inaadhika
Mayo Uno, kasama ko'y manggagawang dakila
na bumubuhay sa daigdig, lipunan, at bansa

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pluma

PLUMA nakatitig muli sa kisame may pinagninilayan kagabi hanggang mga mata'y napapikit sa loob ay may kung anong bitbit madaling araw, t...