Linggo, Mayo 9, 2021

Pagmasdan natin ang saligway

PAGMASDAN NATIN ANG SALIGWAY

habang pinagmamasdam ang nadaanang saligway
di agad maapuhap ang mga pala-palagay
tila nasa panginoring di matingkalang tunay
kung bakit naroong nadarama'y ligaya't lumbay

anong ganda ng arkitektura ng saloobin
kahit yaong pilosopiya ng alalahanin
ay tigib ng pagkapariwarang balewalain
man ay nakaukit na sa puso ng mga ubanin

may sagot naman kung paano puputi ang uwak
balahibong itim ay puting pintura'y ipatak
o ipahid matapos tahakin ang lubak-lubak
habang sa balantukan ay dama pa rin ang antak

halina't samahan mo akong masdan ang saligway
anong iyong pakiramdam at agad naninilay
ah, kayganda niyon dahil sa ngiti mong sumilay
lalo na't ikaw ay may busilak na pusong taglay

maganda lang ang saligway kung walang nananahan
nang dahil sa plastik ang mundo'y naging basurahan
tila walang pakialam sa kapwa't mamamayan
kaya tahanang daigdig ay pinababayaan

mga katotohanang bakit binabalewala?
dahil gutom lang ng pamilya ang inuusisa?
kung pangit ang daigdig na nagisnan nating pawa
sana magandang daigdig ay atin pang malikha

- gregoriovbituinjr.

* panorama- saligway, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 929

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon: miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason ama at edad apat na anak ang nakabigti s...