Linggo, Mayo 16, 2021

Tinig sa karimlan

TINIG SA KARIMLAN

narinig mo rin ba ang tinig na aking narinig
na dama kong sa lalamunan ay nakakabikig
panahon pa ba itong punung-puno ng ligalig
na dama mong may aninong sa iyo'y nakatitig

dahil ba may multo o dahil may banta ng tokhang
multo ba'y guniguni't mga patay na nilalang
tokhang naman ay mga buhay na nais mamaslang
sinong dapat katakutan mo kundi mga halang

dapat umuwi na ng bahay pagsapit ng dilim
baka sa disoras ng gabi'y dumatal ang lagim
di pa dahil sa multo pag natulog ng mahimbing
kundi sa tokhang na krimen ngang karima-rimarim

kanino ka matatakot, sa patay o sa buhay
sa multong likha lang ng guniguni nilang tunay
o sa buhay na sadya namang kaya kang mapatay
kayrami nang tinokhang at naghambalang na bangkay

muli, pakinggan ang tinig na iyong naulinig
sumisigaw ba ng hustisya ang iyong narinig
o baka kasa na ng baril ay di mo pa dinig
ikaw na pala'y puntirya, dapat silang mausig

sadyang anong lupit ng may-atas, bu-ang talaga
kahit tanungin mo ang mga namatayang ina
naghihinagpis sa pagkawala ng mahal nila
silang nananawagan ng panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sino o alin ang nasunog?

SINO O ALIN ANG NASUNOG? basahin, swimmer ba ang nasunog? ayon sa pamagat ng balita o sampung medalya ang nasunog? kung ulat ay aalaming sad...