Miyerkules, Hunyo 9, 2021

Samutsaring nilay

SAMUTSARING NILAY

kagabi, parang musika ang huni ng kuliglig
tila dumating ang diwatang kaylambing ng tinig
habang nag-aawitan silang parang mga kabig
na sa atas ng diwata'y kaagad manlulupig

subalit kaninang umaga, sa aking pagbangon
may nagsisigawan at nagkakasiyahang miron
may isnatser na nahuli't binugbog pa ng maton
dumating ang parak subalit sinong ikukulong

umulan kagabi kaya ang paligid ay baha
nasok sa silid kaya pala ang semento'y basa
habang sa labas, nagtatampisaw ang mga bata
nakakatuwa ang ginawa nilang munting bangka

at ngayon, tanghali na'y di pa nakapag-almusal
maliban lamang sa naritong kape at pandesal
na di pa rin nagagalaw, lumamig na sa tagal
habang ang makata'y nakatulalang parang hangal

patuloy sa trabaho, patuloy ang pagsasalin
ng iba't ibang dokumento o mga sulatin
tila ba sabik magtrabaho, ayaw pang kumain
nakatutok ang isip sa nasimulang gawain

maraming balakid, mga hadlang, nakahambalang
di lang sa paligid o landas niyang hinahakbang
kundi sa pinagninilayang manggang manibalang
ibibigay kay misis sa panahong lupa'y tigang

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa Ermita, Maynila

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...