Linggo, Agosto 22, 2021

Kape tayo

KAPE TAYO

aba'y tara, tayo muna'y magkape
habang nagpapahinga ngayong gabi
at mag-usap anong tamang diskarte
sa pagtapal ng butas sa kisame
sapagkat nagbaha na naman dine

magkape habang pinagninilayan
ang mga nakaraang karanasan
pag-usapan ang mga tunggalian
sa pagitan ng unyon at kawatan
at nangyayari sa pamahalaan

dapat na may kongkretong pagsusuri
sa mga usapin at katunggali
bakit sa lipunan, may naghahari
may nagsasamantala't mga uri
kahirapa'y paano mapapawi

salamat sa pagdamay mo sa akin
ngayong gabing utak ko'y pagod na rin
dahil sa kasawiang dapat dinggin
upang lumuwag ang nakahihirin
at malutas na ang alalahanin

- gregoriovbituinjr.
08.22.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala a...