Sabado, Setyembre 18, 2021

Paglaban

PAGLABAN

nagulat akong sa swab test ay naging positibo
bagamat umaasam pa ring ito'y negatibo
narito lang, lumalaban sa mapanglaw na kwarto
habang payong pangkalusugan ay sinusunod ko

tunay na masakit malaman ang katotohanan
ngunit kailangan ko pa ring lumaban, lumaban!
ayokong matapos lang ang lahat ng walang laban
ayokong matapos ang lahat ng di lumalaban

nagisnan kong limang araw akong di nakatula
ibig sabihin, limang araw din akong tulala
na muling pagkatha ko'y tanda ng muling pagsigla
ah, sana pangangatawang ito'y lumakas na nga

positibo ang pananaw sa bawat adhikain
resulta'y magnegatibo sana, ako'y gumaling
maraming salamat sa mga suporta sa akin
salamat sa mga payo n'yong tagos sa damdamin

- gregoriovbituinjr.
09.18.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagpupugay sa Buwan ng Kababaihan!

PAGPUPUGAY SA BUWAN NG KABABAIHAN! nagpupugay akong taas-noo at narito ring taas-kamao sa kababaihan nitong mundo sa kanilang Buwan ngayong ...