Sabado, Setyembre 4, 2021

Sa puno ng potasyum

SA PUNO NG POTASYUM

doon sa puno ng saging, ako'y nakatingala
baka may malaglag na anting, anang matatanda
ngunit maraming makakasagupang lamanglupa
dapat ko raw maging handa, di man naniniwala

nakatingala ako doon sa puno ng saging
namunga ng isang buwig bagamat hilaw pa rin
huwag munang pitasin, ito muna'y pahinugin
sa puno, upang pag pinitas na'y masarap man din

narito ako sa lilim ng puno ng potasyum
pampatibay ng buto, anti-oxidants pa'y meron
mayaman sa bitamina C, B6 at magnesyum
kailangang magpalakas, ehersisyo sa hapon

dahil sa potasyum kaya saging ay kinakain
marami nito'y kailangan ng katawan natin
ilang araw pa't bunga nito'y mahihinog na rin
kaygandang panahon upang potasyum na'y kainin

- gregoriovbituinjr.
09.04.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN pamagat ng awit ng  ASIN : "Masdan mo ang kapaligiran" lupa, dagat at papawirin ay pansinin, di lang pag...