Linggo, Oktubre 31, 2021

Undas

UNDAS

malupit ang nanalasang nagdala ng kadimlan
sa madla sa panahong di nila inaasahan
marami mang nakaligtas, marami ring lumisan
saksi ang ulap sa covid na dumaklot sa bayan

ngayong undas, mga nangawala'y ginugunita
may pupuntang libingan, magsisindi ng kandila
mahal sa buhay na para sa atin ay dakila
ating babalikan ang alaala nila't gawa

panahon ding gunitain ang desaparesido
na kaanak ay walang mapuntahang sementeryo
na tanging naiwan sa anak ay mga litrato
di nakita ang dapat humubog sa pagkatao

ang iba naman ay nananalangin ng hustisya
lalo't tinokhang ang anak ng humihikbing ina
tanging magagawa ko sa kanila'y makiisa
na sana hustisya'y kamtin ng mga anak nila

undas ay panahon ng paggunita't pagpupugay
at pagdalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay
uusalin ng lihim na sa kanilang paghimlay
ay maging matiwasay ang kanilang paglalakbay

- gregoriovbituinjr.
10.31.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN pamagat ng awit ng  ASIN : "Masdan mo ang kapaligiran" lupa, dagat at papawirin ay pansinin, di lang pag...