Biyernes, Enero 7, 2022

Bawal dumura sa basurahan

BAWAL DUMURA SA BASURAHAN

paalala yaon bagamat nakakairita
payak na abiso subalit nakakataranta
bawal dumura sa basurahan, ang paalala
nakakadiri kung sa basurahan dudura ka

maghahanap ka pa ba ng kubeta o lababo
kung malayo pa iyon sa kinaroroonan mo
upang makadura lang ay lalakad at tatakbo
saan dudura, lilinga doon, lilinga dito

sinong pipigil na dumura ka sa basurahan
kung kailangan mo nang ilabas sa lalamunan
ang plemang idadahak, ay, nakakadiri naman
mabuti nga't sa basurahan, di kung saan-saan

na sa nag-aayos ng basura'y kadiri iyon
lalo't di mo sila sinuswelduhan sa pagtapon
may dignidad din sila, dapat respetuhin iyon
kahit basurero man ang napasukang propesyon

wala ka pang dalang tissue, doon sana dumahak
kung may sakit ka, kapwa'y di mahawa't mapahamak
tipunin sa isang plastik, sa bag muna iimbak
saka itapon sa basurahan, payo ko'y payak

tawag na ng kalikasan ang bigla mong pagdura
uhog man o plemang nais mong agad na mawala
kaysa nasa lalamunan at malunok mong bigla
kadiri nga lang pag sa basurahan idinura

- gregoriovbituinjr.
01.07.2022

* paskil na nakita sa loob ng isang mall

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pahinga muna

PAHINGA MUNA matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon aba'y pahinga muna kami ni Alaga siya'y nahiga roon sa taas ng kahon habang ako...