Sabado, Enero 15, 2022

Ituloy ang laban

ITULOY ANG LABAN

"Ituloy ang laban" ay kilalang islogang tibak
ito'y batid na ng bayan, panawagang palasak
makasaysayan, prinsipyo ng api't hinahamak
upang baguhin ang sistemang loko't mapanlibak

ngunit sa basketbol pala'y ginamit nang totoo
"Ituloy ang laban" sa mga kasagupang grupo
ito ba'y katanggap-tanggap o nakakatuliro
bagamat walang may-ari ng panawagang ito

maganda ngang masanay ang tao sa panawagan
marehistro sa isip nila'y "Ituloy ang laban!"
paalala sa gawa ng bayani't Katipunan
sistema'y baguhin tungong makataong lipunan

"Ituloy ang laban" nilang atleta sa basketbol
habang diwa ng islogang ito'y dapat masapol
buhay ng tibak ang sa islogang ito'y ginugol
laban sa pagsasamantalang sadya silang tutol

"Ituloy ang laban" ng dukha't uring manggagawa
tunay na kahulugan nito'y isapuso't diwa
lipunang makatao'y dapat itayo ng madla
"Ituloy ang laban" at kamtin ang ating adhika

- gregoriovbituinjr.
01.15.2022

- selfie ng makatang gala sa tarpouline ng Philippine Basketball Association (PBA) nang mapadaan siya sa Araneta Coliseum sa Cubao, Lungsod Quezon

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala a...