Linggo, Enero 23, 2022

Kalibre

 
KALIBRE

anong kalibre ng kakayahan at pagkatao
ang hanap natin sa sunod na lider ng gobyerno
yaon bang sa debate'y di nagpakita sa tao
o ang matagal naglingkod bilang lider-obrero

anong kalibre ng organisadong mamamayan
ang babago sa sistemang tadtad ng kabulukan
yaong magtatatag ng sistemang may kabuluhan
sa sambayanang nais ay makataong lipunan

dapat bang may kalibre ang tibak upang magwagi
laban sa sistemang bulok ng trapo't naghahari
puspusang nakikibaka, palaban, mapanuri,
makakalikasan, makatao, at makauri

ang kalibre'y di palyado pag iyong kinalabit
matibay din ang pulso pag umasinta't bumirit
tulad ng mahusay na lider na iginigiit
ang karapatan at hustisya sa mga ginipit

- gregoriovbituinjr.
01.23.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pahimakas kay kasamang Rod

PAHIMAKAS KAY KASAMANG ROD (binigkas ng makatang gala sa pugay-parangal) sa iyo, kasama, pagpupugay sa pagpapatibay mo ng hanay sa adhikaing...