Biyernes, Marso 11, 2022

Ang planong aklat na "101 RED POETRY para kina Ka Leody, Walden at sa kanilang line-up"


ANG PLANONG AKLAT NA "101 RED POETRY PARA KINA KA LEODY, WALDEN AT SA KANILANG LINE-UP"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang pambihirang pagkakataon ang ibinigay ng kasaysayan kina Ka Leody De Guzman na tumatakbong pangulo ng bansa, Propesor Walden Bello para sa pagkabise-presidente, Atty. Luke Espiritu, Roy Cabonegro at David D'Angelo bilang mga senador, at sa ating PLM (Partido Lakas ng Masa) partylist.

Pambihirang pagkakataon din ito upang muling maging aktibo ang inyong lingkod na kumatha ng tula at payabungin ang tinatawag na panitikang proletaryo o panitikan ng uring manggagawa. Ika nga noon ng guro kong si Rio Alma sa aking mga tula ay pulos daw social realism. Ibig sabihin, pagkatha ng tula batay sa reyalidad ng nangyayari sa lipunan. Ibig sabihin din, kaiba sa kanilang panukalang Modernismo sa pagtula.

Pambihirang pagkakataon din ito sa tulad kong makatang maglulupa na makapaglathala ng aklat na "101 RED POETRY para kina Ka Leody at Walden at sa kanilang line-up" lalo na't naunang naglabas ng aklat na "100 Pink Poems para kay Leni" ang animnapu't pitong (67) kilalang makata sa bansa, sa pangunguna ng makatang Rio Alma, na pambansang alagad ng sining o National Artist sa ating bansa.

Subalit ang inilalabas nating aklat na "101 Red Poetry..." ay hindi bunsod ng inggit dahil nakapaglabas sila ng mga tula para kay Leni Robredo na ikinakampanya nilang pangulo. Hindi lang ito bunsod na dapat kong ikampanya ang aking ninong sa kasal na si Ka Leody De Guzman bilang pangulo, at ang buo niyang line-up. Higit sa lahat, ito'y bunsod ng tungkulin ko bilang makata na gisingin, ibangon, at payabungin pa ang tila naghihingalong panitikang proletaryo sa bansa. 

Ito'y bunsod din ng tungkulin ko bilang makatang aktibista na ipaunawa ang tunggalian ng uri sa masang Pilipino laban sa mga tula ng mga elitistang nasa toreng garing. Ito'y panitikan mula sa ibaba, mula sa putikan ng iskwater, mula sa pagawaan ng mga unyonistang nakawelga, mula sa kababaihang nakikibaka, mula sa mga maralitang dinedemolis ang kanilang mga tahanan, mula sa kabataang nais ng mas maayos at dekalidad na edukasyon, mula sa mga magsasakang nagpapakain sa buong lipunan subalit nananatiling mahirap, mula sa mga vendor na nagsisikap maghanapbuhay ng marangal subalit pinagbabawalang magtinda, na madalas ay hinuhuli ng mga pulis o nakikipaghabulan pa sa mga taong gobyerno, mula sa mga inosenteng taong biktima ng extrajudicial killings sa bansa, mula sa piitan ng mga bilanggong pulitikal, mula sa panawagang karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Ah, napakaraming api at pinagsasamantalahan sa lipunan, at kulang ang 101 tula upang ilarawan, ikwento at itula lahat sila.

Working-in-progress pa ang mga kathang tulang ito na sinimulan lamang noong Marso 1, 2022, at balak matapos at malathala na sa mismong Mayo 1, 2022, Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. At dahil nais nating maabot ang gayong bilang ay aktibo tayong tula ng tula sa bawat araw. Kaya noong Marso 1, 2022 ay nalikha na ang facebook page na 101 Red Poetry for Ka Leody and Walden, bagamat Ingles ay nasa wikang Filipino ang mga tula.

Subalit bakit 101 imbes na 100, tulad ng libro ng mga makata para kay Leni? Una, dahil bihira sa mga manunulang kabilang sa 101 ang talagang tumutula. Marahil ako lamang. Nakapagpasa sa akin si Ka Tek Orfilla, Bise Presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ang sekretaryo heneral, ng dalawang pahinang may labing-isang (11) tula hinggil sa pagtakbo nina Ka Leody, na nais kong isama sa 101. Ikalawa, ang 101 ay kadalasang inilalakip sa mga subject sa kolehiyo bilang pundamental o pangunahing pag-aaral hinggil sa isang paksa. Halimbawa, Rizal 101, Human Rights 101, Sociology 101, at iba pa. Ibig sabihin, para sa mga bagito pa sa kolehiyo, o bagito pa sa paksang iyon. Tulad ng ilang kilala kong aktibista't maralita na bihirang sumusulat ng tula datapwat paminsan-minsan ay nakakapagsulat ng tula.

Subalit bakit Red Poetry? Dahil ba Pink Poems ang inilathala para kay Leni? Marahil nga, labanan din ito ng mga kulay. Kulay pula bilang tindig ng mga manggagawa. Kulay pula dahil pag lumabas ang mga manggagawa at lumahok sa pagkilos tuwing Mayo Uno, lahat sila o mayorya sa kanila ang nakapula. Ang pula ay kulay ng kagitingan, kulay ng pakikibaka ng ating mga bayani. Kulay ng katapangan na kahit masugatan ay hindi susuko. Kulay ng manggagawa. Ang pink ay malabnaw na pula o may halong dilaw kaya lumabnaw.

Kaya ang paglalathala ng 101 Red Poetry ay isang pagkakataon upang ilathala ang tula ng mga nasa ibaba, mga marginalized o sagigilid o nasa laylayan ng lipunan. Kung nais mong makibahagi sa proyektong ito, inaanyayahan kitang ilathala mo sa iyong fb account ang iyong tula, at kung mamarapatin mo, at bilang editor ng page at ng lalabas na aklat, ay karapatan kong ilathala iyon kung naaayon at di mapanira sa ating mga kandidato. 

Ang maglalathala ng aklat ay ang Aklatang Obrero Publishing Collective na aking pinamamahalaan simula pa noong taon 2007. Nakapaglathala na ito ng maraming aklat ng tula, at mga aklat ng kasaysayan hinggil kina Macario Sakay, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Che Guevara, Ka Popoy Lagman, at Lean Alejandro. Ang disenyo ng pabalat ng aklat sa sanaysay na ito ay draft o borador pa lamang. Maaari pa itong mapaunlad. Subalit gustong-gusto ko ang litrato ng dyip na may poster nina Ka Leody, dahil sumisimbolo ito ng karaniwang taong ipinaglalaban nina Ka Leody, Ka Walden at ng kanilang line-up.

May plano rin tayong tulaan ng Red Poetry o Pulang Tula sa mga sumusunod na araw: Marso 21 - World Poetry Day; Abril 2 - Balagtas Day, na magandang ilunsad sa plasa kung saan may rebulto ang makatang Francisco Balagtas sa Pandacan, Maynila; at sa hapon o gabi ng Mayo Uno 2022 matapos ang rali ng mga manggagawa.

Tara, magtulaan na tayo, at magpasa na kayo ng tula para sa 101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up.

Sinulat sa opisina ng manggagawa sa Lungsod ng Pasig
Marso 11, 2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Meryenda

MERYENDA hopya ang nabili ko sa 7/11 sa tapat ng ospital upang meryendahin may handa namang pagkain sa silid namin pag di kinain ni misis, a...