Miyerkules, Oktubre 12, 2022

Talanwang

TALANWANG

may lumang salita pala / tayong katugma ng aswang
sa walang utang na loob, / kahulugan ng talanwang
di man lang magpasalamat, / puso ma'y nakabuyangyang
sa pinagkakautangan / ng loob, para kang timang

bakit di magpasalamat / kung nabigyan ka ng pabor
sapagkat katumbas nito'y / ang dignidad mo o honor
halimbawa'y nabigyan ka / ng magulang mo ng motor
kung walang pasasalamat, / que barbaridad, de horror

pinag-aral ng magulang / hanggang ikaw ay lumaki
naging maganda ang kutis, / bumulas na binibini
nang magkaroon ng syota, / sumama na sa lalaki
"wala kang utang na loob," / ina mo sa iyo'y sabi

isa ka nga bang talanwang? / anong sakit na salita
masabihan ka nang ganyan, / tila puso'y hinihiwa
huwag magpadalus-dalos / sa mga pasya mong sadya
ay, alalahanin mo rin / ang magulang mong dakila

kung nasa tamang edad na / ay saka ka na magpasya
huwag hayaang mahulog / sa lilim ng punong mangga
lagi kang magpasalamat / sa nakamit na biyaya
huwag kang maging talanwang, / mahalin ang ama't ina

- gregoriovbituinjr.
10.12.2022

talanwang - [Sinaunang Tagalog] walang utang na loob
(mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1212)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala a...