Huwebes, Enero 26, 2023

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO

pawiin natin ang sistemang di makatao
pagkat iyan ang dahilan ng maraming gulo
hindi na ba iiral ang pagpapakatao?
aanhin ba natin ang kayamanan sa mundo?

manghihiram lang ba lagi tayo ng respeto
sa kayamanan kaya nang-aangkin ng todo?
wala na bang puwang ang pagiging makatao
kaya nais lagi'y may pag-aaring pribado?

dinadaan lagi sa digmaa't kayamanan
ang mga usapin, tingnan mo ang kasaysayan
na dulot, imbes kaunlaran, ay kamatayan
imbes magpakatao'y nakikipagdigmaan

di na makuntento sa kung ano ang mayroon
aanhin mo ang yaman? para maghari ngayon?
para lamang tawagin kang isang panginoon?
at mamamatay ka lang pagdating ng panahon!

- gregoriovbituinjr 
01.26.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pag-shave ng buhok

PAG-SHAVE NG BUHOK nagpaalam ang doktor sa akin kanina ang buhok ni misis ay ise-shave raw nila kalahati lamang ba o buong buhok na dahil ng...