Biyernes, Marso 31, 2023

Ituturo na sa Harvard ang Tagalog

ITUTURO NA SA HARVARD ANG TAGALOG
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang pahayagang Tabloid ang nabili ko nitong Marso 29, 2023 - Bulgar at Tempo. Basta binili ko lang upang may mabasa ako. Nang nasa dyip ako'y aking binuklat ang mga pahayagan. Aba'y nakakatuwa ang mga pamagat ng balita. Ulat sa Tempo: "Harvard to offer Tagalog course". Wow! Ang bigat! Teka, kailan pa nila napansin ang wika natin?

Ang headline sa Bulgar: "Pang-4 sa pinaka-ginagamit sa U.S. TAGALOG, ITUTURO SA HARVARD". Ah, kaya pala. Marahil sa dami ng migranteng Pilipino na nag-uusap sa Tate ay pang-apat ang Tagalog sa sinasalita roon.

Kaya binasa ko na ang mga ulat na nasa front page at pahina 2. Sa Tempo, inanunsyo noong Lunes, Marso 27, ng The Harvard Crimson, na publikasyon ng mga estudyante sa Harvard, na sa unang pagkakataon ay mago-offer ang pamantasan ng Tagalog Language Course. Ayon pa sa Crimson, kukuha ng tatlong magtuturo ang Department of South Asian Studies upang magturo ng Tagalog, Bahasa Indonesia, at Thai para sa academic year 2023-2024. Ito'y tatlong taon ang termino at maaari pang palawigin nang dagdag na lima pang taon.

Sinabi umano ni Executive Director Elizabeth K. Liao na nakakuha ng pinansyal na suporta ang Harvard University Asia Center para sa mga nabanggit na posisyon sa pamamagitan ng fund raising.

Sinabi naman ni James Robson, propesor ng East Asian Languages and Civilizations, at direktor ng Asia Center, na umaasa siyang maipakitang may pangangailangan para sa kursong ito at may mga mag-enroll na estudyante rito upang mas makumbinsi pa ang administrasyon ng pamantasan na patuloy pang suportahan ang Southeast Asian studies sa pangkalahatan at ang pagtuturo ng wika sa partikular. May isang kurso lang umano tungkol sa Pilipinas ang ino-offer ng pamantasan. Ito ang survey course hinggil sa kasaysayan ng Asya.

Ayon naman sa Bulgar, "Nabatid na naghahanap ang Harvard ng native speaker o fluent sa pagsasalita ng Tagalog."

Mabuti naman at may balitang ganito na nakakapagbigay sa tulad kong makata at tagapagtaguyod ng sariling wika. Nais kong magturo at aplayan iyon subalit ang problema, hindi naman ako guro kaya walang kasanayan sa pagtuturo. Kung pagtuturo ng tulang may sukat at tugma ay baka pa.

Sa ngayon, interesado ang mga Kano sa pagtuturo ng Tagalog, habang tayong nasa Pilipinas, nag-uusap man sa Tagalog o sa wikang Filipino, ang lahat naman ng ating mga dokumento ay nasa wikang Ingles. Mula sa birth certificate, diploma, wedding cerificate, lisensya sa pagmamaneho, aplikasyon at pagbabayad sa SSS, GSIS, Pag-ibig, PhilHealth, resibo ng tubig at kuryente, application form sa trabaho, at iba pa, ay nakasulat lahat sa wikang Ingles. Para bang nakakahiya pag isinulat ito sa wikang Filipino.

Buti pa minsan ang mga apidabit hinggil sa mga kasong kinasasangkutan, halimbawa sa palupa, ay naisusulat sa wikang Filipino, subalit ang mga papeles pa rin sa korte ay nakasulat sa Ingles.

Bagamat sa ating Saligang Batas ng 1987 ay nakasulat sa Artikulo XIV, Seksyon 7, ang mga salitang: “For purposes of communication and instruction, the official languages of the Philippines are Filipino, and until otherwise provided by law, English." (Para sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino, at hangga't hindi itinatadhana ng batas, Ingles.)

"Until otherwise provided by law" pala, saka lang gagamitin ang Ingles. Kaya pangunahin ang wikang Filipino sa komukikasyon at pagtuturo, marahil sa pananalita lang at hindi sa nakasulat na dokumento. Dahil ang attendance ni titser, nakasulat sa Ingles. Ang mga class card, nakasulat sa Ingles. Maliban lang yata kung ang eksam ay sa paksang Filipino, saka nagsusulat sa wikang Filipino.

Sa ating bansa, lahat ng nakasulat na batas, mula Constitution, Executive Order, Republic Act, Implementing Rules and Regulations, City Ordinance, Barangay Ordinance, court proceedings, at iba pa. Pati mga pangalan ng lansangan na sa dulo ay may St. na ibig sabihin ay Streer, Ave. o Avenue, Blvd. o Boulevard, o kung eskinita ay ingles pa rin, Alley. Talagang maka-Kano ang ating kultura, at parang tinuturing na bakya ang mga nagsasalita ng wikang Filipino.

Isa sa mga isyu ko bilang manunulat at makata ang usaping wika. Dahil wika ang daluyan ng aming mga tula. Kaya nang makarinig ako ng mga katutubong nakasama ko sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, na hindi nila maunawaan ang mga dokumentong nakasulat sa Ingles, akin nang ikinampanya na dapat lahat ng batas sa Pilipinas ay may Opisyal na Salin, at ang ahensyang pinakamalapit sa gawaing pagsasalin ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. At bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Napalawig na ang usapan. Gayunpaman, salamat sa nabasa kong mga balita hinggil sa Tagalog na ituturo sa Harvard. Subalit bago tayo magsaya ay simulan natin ito sa ating sarili, sa ating bansa. At hikayatin natin ang ating mga mambabatas na gumawa ng panukalang batas hinggil sa pagiging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng KWF.

Magagawa kayang ang lahat ng ating pampublikong dokumento ay masulat sa sariling wika? Halimbawa na lang ang birth certificate, marriage certifivcate, lisensya, at iba pa. O mananatili ang mga itong nakasulat sa Ingles sa mahabang panahon? Kung ganito, ano nang kahihinatnan ng ating wikang Filipino?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...