Biyernes, Abril 7, 2023

Ang tugma at di tugma sa tula

ANG TUGMA AT DI TUGMA SA TULA

di tugma ang dugo at berdugo
pati paso ng rosas at baso
di rin tugma ang buo at buko
kumain man ng taho ang tao

magkatugma ang dugo at paso
ng rosas, maging buo at taho
tugma ang naglaho mong pagsuyo
pati ang dungo mong kalaguyo

di katugma ng madla ang masa
pati na balita ng bisita
kaibhan dapat halata mo na
upang di lumuha at magdusa

kung tila ampalaya ang mukha
batirin bakit di ito tugma
ang kaibhan nga'y alaming sadya
isa'y may impit, ang isa'y wala

iba ang binibini at binhi
magkatugma ang hari at pari
iba ang guniguni sa mithi
tugma rin ang ihi mong mapanghi

tugma ang diskarte sa babae
di tugma ang lahi sa salbahe
sa tugmaang tinalakay dine
nawa'y batid mo na ang mensahe

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...