Lunes, Mayo 8, 2023

Hinawan

HINAWAN

salitang ugat ng "hinawan" ay dalawa
ginamitan ng gitlapi at hulapi pa
hawan ang aking napagtanto noong una
ngunit nang makita ko ang sagot, iba pala

hinawan, tulad ng hinawan ko ang landas
na sa panitikan ginagamit madalas
hinawan pala, kung saan ka naghuhugas
o naghihinaw ng kamay, aking nawatas

bata pa ako, maghinaw na'y aking batid
dahil si ama, iyan ang salitang gamit
bago kumain, maghinaw ang magkapatid
sa pagsakol sa kanin, kamay na'y malinis

paghawan ng landas ay gamit ko sa tula
na minsan nababasa sa kwento't pabula
kaya sa palaisipan ay natunganga
sa hinawan ay ano bang ibang salita

isa ring nakabibiglang aral sa akin
salitang ugat ay iba kung unawain
di hawan, kundi hinaw, pag iyong isipin
at hulaping -an ang panlaping gamit man din

lababo pala yaong sagot sa hinawan
doon naghihinaw ng kamay kadalasan
iba ang hawan na gamit sa kaparangan
paghahawan ng damo upang malinisan

- gregoriovbituinjr.
05.08.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sino o alin ang nasunog?

SINO O ALIN ANG NASUNOG? basahin, swimmer ba ang nasunog? ayon sa pamagat ng balita o sampung medalya ang nasunog? kung ulat ay aalaming sad...