Huwebes, Pebrero 29, 2024

Ang aklat at ang muling paglitaw sa Liwayway ng kwento ni Rosario De Guzman-Lingat

ANG AKLAT AT ANG MULING PAGLITAW SA LIWAYWAY NG KWENTO NI ROSARIO DE GUZMAN-LINGAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang kagalakan ang muling paglitaw ng panulat ni Rosario De Guzman-Lingat sa magasing Liwayway sa isyung Pebrero 2024, mula pahina 92-95. Pinamagatan iyong "Pebrero 14, Araw ng Pag-ibig" na unang nalathala noong Pebrero 13, 1967. Aba'y wala pa ako sa sinapupunan ng aking ina nang malathala iyon.

Isang kagalakan sapagkat nadagdag iyon sa mababasa kong dalawampu't tatlong maikling kuwento sa kanyang aklat na "Si Juan Beterano at iba pang kuwento". Ang nasabing aklat, na may sukat na 5" x 7", ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Toman Morato sa Lungsod Quezon noong Oktubre 19, 2022, sa halagang P258.00. Binubuo iyon ng 384 pahina, kung saan 24 ang naka-Roman numeral na naglalaman ng Nilalaman, Introduksyon at Paunang Salita, habang 360 pahina ang kabuuang teksto ng maikling kwento.

Ang nagsulat ng Paunang Salita ay ang mismong may-akda habang si Soledad S. Reyes ang nagsulat ng Introduksiyon na pinamagatang "Ang Panahon ng Pangamba at Lagim sa mga Kwento ni Rosario De Guzman-Lingat."

Sa pamagat pa lang ng Introduksiyon ay masisinag na ang pangamba at lagim sa maikling kwento ni Lingat na muling nalathala sa Liwayway ngayong Pebrero. Pagkat naudlot ang kasal nina Ana at Tonio dahil umalis si Tonio patungong Mabitak. Dahil doon ay inakala ng mga kanayon na nagpatiwakal si Ana nang makitang lumulutang sa ilog ang asahar at belong gamit sana sa kanilang kasal.

Sa nasabing aklat ko rin nabatid ang salin sa wikang Filipino ng dustpan. Ito pala'y pansuro. Nabasa ko ito sa kwentong "Mga Tinig sa Dilim" sa pahina 86, na tatlong ulit binanggit sa dalawang talata:

May dala nang walis at pansuro ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansuro. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansuro. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Tunghayan natin ang isang sipi sa likod na pabalat, at sa ibaba nito ay mababatid din natin kung sino nga ba si RGL:

MULA SA INTRODUKSIYON: "Sa tulong ng isang malikhain at matalinong paglinang ng sining, nagawa ni Rosario De Guzman-Lingat na makasulat ng kalipunan ng mga akda na sa pagdaan ng panahon ay mananatiling buhay, dinamiko at makabuluhan sapagkat pinag-isipan at pinaraan sa isang proseso na ang bawat salita, bawat larawan, bawat pangyayari ay may kanya-kanyang kahalagahan sa pangkating diskurso. Sa kalipunang ito matatagpuan ang mga likhang-isip ng isa sa pangunahing manunulat na nagsabog ng liwanag pagkalipas ng digmaan at lumikha sa panahong batbat ng pangamba at ligalig."

ANG AWTOR

Si Rosario de Guzman-Lingat ay kinikilalang isa sa pinakamagagaling na kuwentista noong panahon makaraan ang digmaan. Masigasig siyang nagsulat noong panahon dekada sisenta at sitenta. May mga dalawang daang maiikling kuwento at kung ilang nobela niya ang nalathala noon. Hindi maaaring matawaran ang ganitong tagumpay lalo na kung iisipin na wala siyang gaanong pormal na pagsasanay sa larangan ng pagsusulat. Ang kanyang unang nobela, "Kung Wala na ang Tag-araw", ay nanalo ng ikatlong gantimpala sa Liwayway noong 1967. Ang "Estero" ay naging kuwento ng taon (1967) sa Pilipino Free Press, at ang nobela niyang "Ano Ngayon, Ricky?" ay nagtamo ng unang gantimpala sa Liwayway noong 1970.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ISA PANG KWENTO NI ROSARIO DE GUZMAN-LINGAT

isang kwento ni Rosario de Guzman-Lingat
sa magasing Liwayway ay aking nabuklat
na ngayong Pebrero'y inilathalang sukat
ang higit limang dekada niyang nasulat

salamat at muling nahagilap pa iyon
ng Liwayway upang mabasa natin ngayon
dagdag sa aklat ng kanyang kwentong natipong
pawang nakikipagtagalan sa panahon

may dalawampu't tatlong katha si Rosario
de Guzman-Lingat sa "Si Juan Beterano
at iba pang kuwento" na binabasa ko
pag may libreng oras doon sa aking kwarto

bilang mambabasa ng magasing Liwayway
panitika'y tinataguyod nitong tunay
ang mga manunulat nito'y kayhuhusay
tangi kong masasabi'y mabuhay! Mabuhay!

02.29.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

O, dilag kong minumutya

O, DILAG KONG MINUMUTYA O, dilag ko't tanging minumutya akong sa labana'y laging handa daanan man ng maraming sigwa buhay ko'y i...