Sabado, Marso 30, 2024

4PH ay hagupit na kaylupit

4PH AY HAGUPIT NA KAYLUPIT

ang pabahay ay huwag ibatay sa market value
kundi sa capacity to pay nitong maralita
ang pabahay ay serbisyo, huwag gawing negosyo
ito'y isang katotohanang dapat maunawa

ang 4PH daw ay pang-ISF, o pang-iskwater
ngunit hindi pala, dapat mayroon kang Pag-Ibig
binago na ang squatter, ngayon informal settler
families, kahulugang pinaganda sa pandinig

isang informal worker nga ang umamin nang tunay
wala siyang regular na sahod, kaya ang sabi:
"Hindi ko kayang bayaran ang presyo ng pabahay
ng DHSUD-4PH", kaydali nating maintindi

sino bang maralitang isang kahig, isang tuka
na sadyang gipit ang magbabayad ng isang yunit
na halaga'y higit sangmilyon, mayroon ba? wala!
4PH sa maralita'y hagupit na kaylupit

kaya di pangmaralita ang 4PH na iyan
pabahay ng gobyerno'y isang negosyo talaga
presyo ng pabahay ay ibatay sa kakayahan
at di sa market value, bilang serbisyo sa masa

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

* 4PH - Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ng pamahalaang BBM
* litratong kuha ng makatang gala sa isang rali sa harap ng tanggapan ng DHSUD, 09.11.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN pamagat ng awit ng  ASIN : "Masdan mo ang kapaligiran" lupa, dagat at papawirin ay pansinin, di lang pag...