Linggo, Marso 31, 2024

Tanong nila sa akin ngayong semana santa

TANONG NILA SA AKIN NGAYONG SEMANA SANTA

tanong nila, bakit di raw ako nagsimba?
bakit di rin sumama sa semana santa?
at bakit ba di rin nag-Bisita Iglesya?
bakit sa simbahan ay ayaw tumuntong na?

wala bang sinumang nagyayaya sa akin?
mga nabanggit ba'y kinatamarang gawin?
nasabi na noon, sasabihin ko pa rin
baka sa simbahan, isigaw: "Free Palestine!"

ayokong makinig sa paring nambobola
na animo'y lagi silang patay-malisya
lalo't pinupuri ang Israel sa misa
at di mabanggit ang nangyayari sa Gaza

wala akong bilib sa ganyang mga pari
patunay na burgesya'y kanilang kauri
tingin ko nga sa kanila'y mapagkunwari
bulag, pipi, at bingi silang di mawari

sabi nila, si Hesus ay hari ng Hudyo
inagaw ng Hudyo ang lupang Palestino
minamasaker pa ang mamamayan nito
tapos sasabihin nila, magsimba ako?

hanggang ngayon, akin iyang paninindigan
pag pinilt, isisigaw ko sa simbahan
"Free Palestine!" huwag nang magbulag-bulagan
magsigising kayo para sa katarungan!

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024 (easter sunday)

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN pamagat ng awit ng  ASIN : "Masdan mo ang kapaligiran" lupa, dagat at papawirin ay pansinin, di lang pag...