Linggo, Mayo 19, 2024

Makakatago pa ba?

MAKAKATAGO PA BA?

makakatago ba tayo kay Kamatayan
gayong lahat naman ng tao'y mamamatay
di lang batid kung paano, kailan, saan
ang mahalaga'y paano tayo nabuhay

kayrami nang mga nangamatay sa sakit
habang marami pa'y dahil sa aksidente
ang iba'y nakaranas ng pagmamalupit
kaya bumigay ang kalusugan, ang sabi

oras na ba talaga ng mga pinaslang?
gayong kaya nangamatay, sila'y inambus?
o ang naaksidente'y sa bangin nalaglag?
pagkat nawalan ng preno, tsuper ba'y tulog?

maaakyat kaya natin ang sampung bundok
masisisid ba natin ang laot ng dagat
upang takasan si Kamatayan sa tuktok
o sa kailalimang di ko madalumat

ika nila, kung oras mo na, oras mo na
di na ubra kay Kalawit ang patintero
wala ka nang mapagtataguan talaga
kay Kamatayan kung oras mo na sa mundo

- gregoriovbituinjr.
05.19.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala a...